December 13, 2025

Home BALITA

Bagong item sa electric bill, dagdag-bayarin ng mga Pinoy pagpasok ng 2026

Bagong item sa electric bill, dagdag-bayarin ng mga Pinoy pagpasok ng 2026
Photo courtesy: via MB

Makakakita ng bagong item sa buwanang electric bill ang mga Pilipino simula Enero 2026 matapos aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang paniningil para sa recovery and sustainability of investments ng renewable energy (RE) developer.

Sa isang press briefing sa Pasig City noong Biyernes,Disyembre 12, 2025 inihayag ni ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan na pinayagan ng komisyon ang National Transmission Corp. (TransCo) na mangolekta ng Green Energy Auction Allowance o GEA-All.

Itinakda ang GEA-All sa halagang ₱0.0371 kada kilowatt-hour (kWh), na lalabas bilang hiwalay na line item sa buwanang electric bill ng mga konsyumer simula Enero 2026.

Saklaw ng koleksiyon ang mga RE developer na nakakuha ng kontrata sa ilalim ng Green Energy Auction Program (GEAP) ng pamahalaan.

'Di kami namimilit!' Mga Duterte, nananatili hangga't gusto ng tao—FPRRD

Ang GEA-All ay kokolektahin ng mga distribution utilities mula sa kanilang captive customers, ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), mula sa mga direktang konektadong kliyente, at ng mga retail electricity supplier mula sa kanilang contestable customers.

Kasabay nito, inatasan ng ERC ang lahat ng power industry players, kabilang ang mga distribution utilities, retail electricity suppliers, NGCP, at ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP), na ihanda at isumite ang lahat ng kinakailangang rekord para sa agarang audit ng GEA-All.

Inutusan din ng ERC ang lahat ng collection agents na i-remit nang buo ang nalikom na GEA-All sa GEA-All Fund hindi lalampas sa ika-15 araw ng buwan kasunod ng bawat billing period.

Ang GEA-All ay isang singil na ipapataw sa lahat ng on-grid end-users upang tustusan ang kakulangan sa kabuuang bayad para sa lahat ng kwalipikadong planta sa ilalim ng GEA.

Ayon kay Juan, ang lahat ng koleksiyon mula sa GEA-All ay ipapadala sa TransCo bilang FIT-All Fund Administrator ng GEA-Fund.

Inatasan din ng ERC ang mga collection agents na malinaw na ipakita ang GEA-All bilang hiwalay na line item sa electric bill ng mga konsyumer alinsunod sa Section 6.2.1.1 ng ERC Resolution No. 6, Series of 2025 o ang GEA-All Guidelines.