December 13, 2025

Home BALITA

3 mangingisdang Pinoy, sugatan sa water canon ng China sa Escoda Shoal

3 mangingisdang Pinoy, sugatan sa water canon ng China sa Escoda Shoal
Photo courtesy: via PCG

Tatlong mangingisdang Pilipino ang nasugatan matapos umanong paulanan ng water cannon at gipitin ng mga sasakyang pandagat ng China ang mga bangkang pangisda ng Pilipinas malapit sa Escoda o Sabina Shoal sa West Philippine Sea.

Ayon kay PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, naganap ang insidente noong Biyernes, Disyembre 13, habang nasa humigit-kumulang 20 bangkang pangisda ng Pilipinas ang nangingisda sa karagatan malapit sa Escoda Shoal, na matatagpuan sa layong 75 nautical miles o halos 140 kilometro mula sa Palawan at nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Sinabi ni Tarriela na hinaras umano ang mga mangingisda ng mga sasakyang pandagat ng China Coast Guard (CCG) na may bow numbers na “21559” at “21562,” kasama ang ilang barko ng Chinese maritime militia (CMM).

Dahil sa malalakas na bugso ng water cannon, nagtamo ng mga pasa at bukas na sugat ang tatlong mangingisda, habang dalawa namang bangkang pangisda ang nasira. 

'Di kami namimilit!' Mga Duterte, nananatili hangga't gusto ng tao—FPRRD

Dagdag pa ng PCG, pinutol din umano ng maliliit na rigid hull inflatable boats (RHIBs) ng CCG ang mga angkla ng ilang bangkang Pilipino, na naglagay sa mga ito sa panganib dahil sa malalakas na agos at maalong karagatan.

Matapos makatanggap ng ulat ukol sa insidente, agad na ipinadala ng PCG ang mga multi-role response vessels na BRP Malapascua (MRRV-4403) at BRP Cape Engaño (MRRV-4411) upang tumulong sa mga apektadong mangingisda.

Gayunman, sinabi ni Tarriela na hinarang at ginawan din ng delikadong maniobra ang mga barko ng PCG ng mga CCG vessels na may bow numbers na “21559,” “21562,” at isa pang barko na may numerong “5204” habang patungo sa lugar.

“One particularly hazardous incident occurred when CCG-23519 approached within 35 yards of a PCG vessel during nighttime navigation” ani Tarriela.

Sa kabila ng mga pangha-harang, nakarating pa rin ang mga barko ng PCG sa mga mangingisda at nagbigay ng tulong medikal, pati na rin ng gasolina, pagkain, at yelo nitong Sabado, Disyembre 13.

Ayon kay Tarriela, nakipag-ugnayan din ang PCG sa government-funded fish carrier na MV Pamalakaya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mangingisda habang ipinagpapatuloy nila ang kanilang pangingisda.

Sinabi rin ni Tarriela na naglabas ng pahayag ang China na kumikilala sa paggamit ng umano’y “control measures” laban sa mga mangingisdang Pilipino, na aniya’y kumpirmasyon ng mga aksyong nagbunsod ng panganib sa buhay ng mga sibilyan.