December 13, 2025

Home SHOWBIZ

'Wag niya lang i-screenshot!' Angelica Panganiban, marami pag-uusapan kung maging friend si Ellen Adarna

'Wag niya lang i-screenshot!' Angelica Panganiban, marami pag-uusapan kung maging friend si Ellen Adarna
Photo courtesy: Karen Davila/YT, maria.elena.adarna/IG


Inihayag ng aktres na si Angelica Panganiban ang posibilidad na maging magkaibigan sila ng kapwa niya aktres na si Ellen Adarna.

Sa panayam ni Angelica sa broadcast journalist na si Karen Davila noong Huwebes, Disyembre 11, itinanong sa kaniya ang tungkol sa posibilidad na sila ay maging magkaibigan ni Ellen.

Matatandaang naging ex-jowa ni Angelica si John Lloyd, na siya ring ex-boyfriend ni Ellen. Naging dating kasintahan din ni Angelica ang aktor na si Derek Ramsay, na siyang asawa ngayon ni Ellen.

Ayon kay Angelica, pakiramdam niya ay maaari sila maging magkaibigan ni Ellen, ngunit huwag lang sana nitong i-screenshot o i-record ang kanilang mga magiging usapan.

“Feeling ko [puwede naman kami maging friends.] Marami kaming pag-uusapan—’wag lang niya ise-screenshot, ‘wag lang niya i-record. Hindi pa nga ako na-invite sa group chat, e,” saad ni Angelica. 

“I wish her well. Having two kids, hirap no’n. And nakikita ko ‘yong ibang stories niya madadaan sa algorithm ko, mukha siyang okay na mom. ‘Di ba, parang you wish her well. ‘Di ba, go ‘te, galingan mo diyan,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni Karen na kaya ito nasasabi ni Angelica ay dahil masaya siya ngayon, na siya namang sinang-ayunan ng aktres. Kasabay din nito ang pagpapahayag niya ng kaniyang pagkabilib kay Ellen.

“Baka iba-iba pa nasabi ko kung ‘di ako masaya ngayon. Sabihin ko talaga, ‘ito naman, ‘di pa natuto sa akin’.” ‘Yon, mabibitawan ko ‘yon noon,” ani Angelica.

“Nakakabilib nga [siya], ‘di ba sabi ko nga sa’yo kanina, ‘nakakabilib nga siya e, ang tapang niya’.” Para niyang nagawa ‘yong mga hindi ko kayang gawin noon,” dagdag pa niya.

Inamin din ni Angelica sa parehong panayam na na-meet niya nang isang beses si Ellen, noong jowa niya pa ang aktor na si John Lloyd Cruz.

Samantala, kamakailan lang nang mausisa ang lamat nina Ellen at Derek dahil sa umano'y pag-cheat ng huli.

MAKI-BALITA: 'I didn't cheat, never' sey ni Derek; react ni Ellen, 'Push mo 'yan, ako pa ginawang liar!'-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA