Sinampahan ng plunder at iba pang kasong kriminal si Vice President Sara Duterte sa Office of the Ombudsman (OMB) kasama ang 14 pang opisyal.
Ito ay dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng kaniyang opisina at sa panahon ng paninilbihan ng Bise Presidente bilang kalihim sa Department of Education (DepEd).
Ayon sa ulat nitong Biyernes, Disyembre 12, bukod sa plunder, lumabag din umano si VP Sara sa Articles 210 at 212 ng Revised Penal Code on bribery, sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa Article XI, Section 2 ng 1987 Constitution, at culpable din umano siya sa pagyurak sa Konstitusyon.
Kabilang sa mga naghain ng kaso ay sina Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Roberto Reyes, dating presidential adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles, UP Professor Emerita Dr. Sylvia Estrada Claudio, economist at dating Department of Finance Usec. Dr. Maria Cielo Magno, writer at anti-corruption advocate Christopher Cabahug, gayundin ang mga lider-kabataan na sina Matthew Christian Silverio at John Lloyd Crisostomo.
Nakasaad sa inihaing reklamo na ipinatupad ni VP Sara ang isang "identical, systematic scheme" sa pagitan ng OVP at DepEd para iwasan ang mga batas at pamamaraang namamahala sa confidential funds.
Inakusahan ng mga complainant na ang confidential funds ni VP Sara ay ginamit para sa usapin ng national security at gagastusin ito ng mga tauhan ng Bise Presidente Duterte na ang mga pangalan ay nakalagay sa Acknowledged Receipts.
Ngunit ayon sa mga nagkaso, non-existent umano ang mga ginamit na pangalan ni VP Sara na halaw sa pangalan ng mga sitsirya.