May 22, 2026

Home BALITA National

PBBM sa sektor ng edukasyon: 'Na-neglect natin nang napakatagal!'

PBBM sa sektor ng edukasyon: 'Na-neglect natin nang napakatagal!'
Photo courtesy: RTVM/YT


Inamin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tila napabayaan nang napakatagal ang sektor ng edukasyon sa bansa.

Sa isinagawang BBM Podcast kamakailan ng Pangulo kasama ang tatlong mag-aaral mula sa iba’t ibang unibersidad sa Pilipinas, iginiit niyang hindi naman napapabayaan ang State Universities and Colleges (SUCs) sapagkat mayroong budget para dito, ngunit talagang ang pundasyon ng edukasyon sa bansa ay napakahina.

“First of all, hindi napapabayaan ang SUCs. The budget for the maintenance and the continued operation of our SUCs is ₱185 billion,” panimula ni PBBM.

“Hindi natin sinasabi na we’re not attending to the SUCs, but the rest of the funding is going to go to talagang primary. Para kang nagpapatayo ng bahay—’yong pundasyon natin napakahina e,” saad pa niya. “Na-neglect natin ‘yong education nang napakatagal. Biruin mo, we have [a] 160,000 shortage of classrooms. How did that happen? If they built 20,000 classrooms every year for the last 30 years, wala tayong problema.”

Giit pa ni PBBM, gumagawa at humahanap sila ng mga paraan upang mas mapabilis ang pagpapatayo ng mga silid-aralan, kasama na rin ang suporta para sa mga kaguruan, at iba pang pangangailangan sa mga eskuwelahan.

“So, kailangan nating maghabol. So, we’re spending it, number one, of course, on classrooms. And we’re finding all of the kinds of ways to build classrooms more quickly. ‘Yong support natin sa teacher—equipment, computer—wala pa tayong computer, ang dami pa nating eskuwelahang walang internet, down to the toilet. Hanggang doon, kailangan nating ayusin lahat,” ani PBBM.

Nadismaya rin umano ang Pangulo matapos mapag-alaman ang “standing” ng Pilipinas sa larangan ng Science, Technology, Engineering and Mathematics (STEM).

“Nadismaya ako to see the results of the Philippines in the grading ng STEM—especially STEM subjects. E we’re [i]n a technological world, now we’re living in a technological world with [a] highly-technological world. Paano naman, ang hina natin sa STEM subjects?” anang pangulo.

Iginiit pa niya na dapat ayusin ang sistema ng edukasyon sa bansa upang lahat ng mga Pilipinong magagaling ay mabigyan ng pagkakataong makilala o sumikat.

Samantala, ₱1.38 trilyon ang alokasyong pondo ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2026, na inilarawan at itinuring bilang pinakamalaking pondo ng kagawaran sa kasaysayan.

Vincent Gutierrez/BALITA

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato