January 04, 2026

Home BALITA

Para tumaas populasyon: China, lalagyan ng VAT mga condoms, contraceptive pills

Para tumaas populasyon: China, lalagyan ng VAT mga condoms, contraceptive pills

Nakatakdang simulan ng China ang pangongolekta ng value-added tax (VAT) sa contraceptive drugs at products sa unang pagkakataon matapos ang mahigit tatlong dekada.

Bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan na hikayatin ang mga pamilya na magkaroon ng mas maraming anak matapos ang mahabang panahon ng mahigpit na population control.

Batay sa bagong batas ng naturang bansa sa value-added tax, ang mga “contraceptive drugs at products” ay hindi na magiging tax-exempt simula Enero 1, 2026. Kabilang dito ang mga produktong tulad ng condom, na papatawan ng karaniwang 13% VAT tulad ng karamihan sa mga bilihin.

Nagbabala naman ang ilang eksperto na maaaring tumaas ang bilang ng hindi planadong pagbubuntis at sexually transmitted diseases dahil sa posibleng pagtaas ng presyo ng contraceptives. 

Politics

Pagkakawatak-watak sa politika, hindi matatapos sa 2026—Jay Costura

Ang dating one-child policy na ipinatupad ng Communist Party mula 1980 hanggang 2015 ay sinamahan noon ng mabibigat na multa, parusa, at sa ilang kaso ay sapilitang pagpapalaglag. May mga batang ipinanganak lampas sa limitasyon na hindi binigyan ng identification number, na nagresulta sa pagiging kawalan nila ng pagkakakilanlan bilang miyembro ng China.

Itinaas ng pamahalaan ang birth limit sa dalawang anak noong 2015, at kalaunan ay ginawa itong tatlo noong 2021, kasabay ng pagbaba ng populasyon ng bansa. 

Sa loob ng mga panahong ito, ang paggamit ng contraception ay aktibong hinikayat at madaling ma-access at maging libre pa sa ilang lugar.

Noong 2024, umabot lamang sa 9.5 milyon ang bilang ng mga ipinanganak sa China — halos ⅓ na mas mababa kaysa sa 14.7 milyon na naitala noong 2019, ayon sa National Bureau of Statistics. Ito ay sa kabila ng bahagyang pagtaas ng birth rate dahil sa tradisyunal na paniniwala na masuwerte ang Year of the Dragon para sa panganganak.

Ayon sa ulat ng AP News, walang opisyal na datos hinggil sa lawak ng taunang konsumo ng condom sa China at iba-iba ang mga pagtataya. Ayon sa isang ulat ng IndexBox, isang international market intelligence platform, umabot sa 5.4 bilyong piraso ng condom ang nakonsumong bansa noong 2020, na nagmarka ng ika-11 sunod na taon ng pagtaas.

Patuloy ding tumataas ang kaso ng sexually transmitted infections, sa kabila ng pagbaba nito noong mga taon ng COVID-19 pandemic. Batay sa datos mula sa National Disease Control and Prevention Administration, mahigit 100,000 kaso ng gonorrhea at 670,000 kaso ng syphilis ang naitala noong 2024.