Nagbigay ng reaksiyon ang Malacañang kaugnay sa mga isinampang kaso ng simbahan at civil society groups laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa press briefing nitong Biyernes, Disyembre 12, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office Usec. Claire Castro na maganda umanong maimbestigahang mabuti ang kaso ng Bise Presidente.
“Kung ano po ang isinasaad sa kanilang complaint. Kung nakapag-attach sila ng kanilang mga ebidensya, mas maganda po na maimbestigahan ito nang mabuti,” ani Castro.
Kinasuhan si VP Sara sa Office of the Ombudsman (OMB) dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds ng kaniyang opisina at sa panahon ng kaniyang paninilbihan bilang kalihim sa Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga naghain ng kaso ay sina Ramon Magsaysay Awardee Fr. Flaviano Villanueva, running priest Fr. Roberto Reyes, dating presidential adviser on the Peace Process Teresita Quintos-Deles, UP Professor Emerita Dr. Sylvia Estrada Claudio, economist at dating Department of Finance Usec. Dr. Maria Cielo Magno, writer at anti-corruption advocate Christopher Cabahug, gayundin ang mga lider-kabataan na sina Matthew Christian Silverio at John Lloyd Crisostomo.
Maki-Balita: VP Sara kinasuhan ng plunder, atbp. sa Ombudsman
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na reaksiyon o pahayag si VP Sara kaugnay sa nasabing isyu.
Samantala, iminungkahi naman ng Palasyo na hintayin ang magiging tugon ng Bise Presidente hinggil sa alegasyon ng nagpakilalang bag man umano nito na si Ramil Madriaga.
Maki-Balita: Palasyo, iminungkahing hintayin sagot ni VP Sara kaugnay sa alegasyon ng lumitaw na 'bag man'