May 15, 2026

Home BALITA National

Palasyo, itinangging pang-optics, propaganda lang ang Anti-Dynasty bill

Palasyo, itinangging pang-optics, propaganda lang ang Anti-Dynasty bill
Photo courtesy: RTVM/YT


Sinagot ng Malacañang ang isyung pang-optics at propaganda lang umano ang iminungkahing pagmamadali sa pagpapasa ng Anti-Dynasty bill ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kamakailan.

Kaugnay ito sa mga kritikong nagsasabi na ang naturang priority bill ay isa lamang umanong “optics” at “propaganda,” sapagkat hindi man lang ito naka-certify as urgent.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Disyembre 12, nilinaw ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na may mga loopholes pa ang Anti-Dynasty bill, kung kaya’t dapat muna itong linisin at ayusin.

“May mga loopholes. So paano natin ito mapapadali? Paanong iuutos ng Pangulo na ito’y mapadali? Kung may mga issues na dapat na linisin—may mga issues na dapat maayos,” sagot ni Castro.

Giit pa niya, hindi naman daw dapat itong madaliin sapagkat nais daw ng lahat ay magkaroon ng magandang batas.

“So, ang pagpapautos ba o request na araling mabuti bago magsagawa at maipasa ang batas na ito ay pang-optics lang? Hindi ba ang nais natin ay magandang batas? Hindi minamadali,” aniya.

Isiniwalat din ng press officer sa nasabing briefing kung ano nga ba ang tunay na optics.

“Ang pagmamadali sa paggawa ng batas pero kulang, ‘yan po ang para sa optics lang,” pagtatapos niya.

Matatandaang ibinaba kamakailan ng Pangulo ang isang direktiba hinggil sa pagpapamadali sa Senado at Kamara na ipasa ang Anti-dynasty bill, Independent People's Commission Act, Party-list System Reform Act, and Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.

MAKI-BALITA: PBBM, pinamamadali pagpapasa ng Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, atbp.-Balita

Matapos kuwestiyunin kung bakit hindi naka-certify as urgent ang mga nasabing priority bills, ipinaliwanag naman ng Palasyo na ito ay nakaayon sa Konstitusyon.

“So, naaayon naman po sa Konstitusyon ang ginagawa ng Pangulo. Hindi naman po ibig sabihin na hindi sinertify as urgent ng isang bill ay hindi na po sinsero ang Pangulo. Kaya po binigyan niya ng mensahe, malinaw, priority bills po ang apat na legislative measures," saad ni Castro.


MAKI-BALITA: Hindi pag-certify as urgent ng Anti-Dynasty bill, atbp, nakaayon sa Konstitusyon—Usec. Castro-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA