Na-huli cam sa CCTV ang dalawang beses na pagnanakaw ng isang lalaki sa loob ng isang kainan ng samgyupsal sa Taytay, Rizal.
Ayon sa mga ulat, naunang sumalakay ang lalaking katawan noong Disyembre 7 kung saan mapapanood sa kuha ng CCTV ang pagkuha niya sa isang butane stove na nasa ibabaw ng lamesang naka-puwesto sa bukanang bahagi ng kainan.
Hindi umano napansin ng staff ng nasabing samgyupsalan ang pagtangay ng kawatan sa isa sa kanilang mga kalan dahil sa pagiging abala sa mga customer.
Akala nila, simpleng pagkawala lang daw at hindi nalagyan ng butane stove ang puwesto ng lamesa.
Matapos nito, nasundan pa noong Disyembre 8 ang pagnanakaw ng kawatan ng isa pang butane stove sa kaparehong puwesto ng lamesa.
Dooon na raw nagtaka ang mga staff at mismong may ari ng tindahan kung bakit nawawala ang kanilang mga butane stove.
Bunsod nito, nagpasya ang may-ari na suriin na ang CCTV nila sa kanilang kainan at doon tumambad ang akto ng pagnanakaw ng nasabing kawatan.
“Sana masaya ka, makakapag-samgyup ka na sa bagong taon at Pasko. Nag day one at day two ka pa, ang galing mo talaga!” anang may-ari ng samgyupsalan.
Isinaayos na ng nasabing tindahan ang puwesto ng kanilang mga lamesa upang maiwasan muli ang insidente ng pagnanakaw sa kanilang kainan, habang abala ang kanilang mga staff.
Pinaplano na ng may-ari ng samgyupsalan na ipa-blotter ang kawatan sa barangay at sa pulisya, upang maiwasan na makapambiktima pa ulit ito.