Pinawalang-sala ng Sandiganbayan si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista kaugnay sa kinaharap niyang kasong graft sa ‘di umano’y P25.34 milyon na ibinayad sa Cygnet Energy and Power Asia, Inc., noong 2019.
Ayon sa mga ulat, pinirmahan ni Associate Justice Ronald Moreno ang desisyong pagpapawalang-sala kay Bautista dahil sa umano’y “failure of prosecution to prove his guilt beyond reasonable doubt.”
Sa kabila nito, nahatulan naman ng “guilty” sa kasong graft ang kasamahan ni Bautista na si ex-administrator Aldrin Cuña at nahaharap sa parusang anim (6) hanggang (8) taon na pagkakakulong.
Dahil dito, hindi na umano maaari pang tumakbo o humawak ng posisyon sa pamahalaan si Cuña at hindi na rin mabibigyan ng mga benepisyo sa pagreretiro.
Matatandaang sinampahan noong Abril 2023 ng dalawang kaso ng graft sa Sandiganbayan si Bautista at Cuña dahil sa umano’y iregularidad sa mga proyektong aabot sa P57.4 milyon sa ilalim ng kanilang pamamahala.
MAKI-BALITA: Ex-QC mayor Bautista, kanyang city administrator, nahaharap sa 2 kaso ng graft sa Sandiganbayan
Ang dalawang kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman (OMB).
Ang unang kaso, na itinalaga sa ikatlong dibisyon ng anti-graft court, ay kinabibilangan ng P25.34 milyon na ibinayad sa Cygnet Energy and Power Asia, Inc.
Ang pangalawang kaso ay napunta sa ikapitong dibisyon. Sangkot dito ang pagbabayad ng P32.1 milyon sa Geodata Solutions, Inc. para sa online occupational permitting at tracking system.
Samantala noong Enero 2025, hinatulang guilty ng 7th Division ng Sandiganbayan sina Bautista at Cuña sa kasong graft, kaugnay umano ng ₱32 milyong kontrata sa procurement ng Online Occupational Permitting Tracking System (OOPTS) noong 2019.
MAKI-BALITA: Ex-QC mayor Herbert Bautista, city administrator hinatulang guilty sa graft
Mc Vincent Mirabuna/Balita