Kumpiyansa ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magiging propesyonal ang Philippine National Police (PNP) kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, kung sakaling lumabas na ang arrest warrant niya mula sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng media kay DILG Assistant Secretary Donnie Puno nitong Biyernes, Disyembre 12, 2025, iginiit niyang naniniwala silang tatalima ang PNP sa sinumpaan nilang tungkulin, kung sakaling kailangan nang hulihin si Dela Rosa.
“Lahat naman ng PNP are professionals and we're confident they'll abide by it,” saad ni Puno.
Nang tanungin ng media kung sakaling makaapekto ang impluwensya ni Dela Rosa sa hanay ng pulisya bilang dati nitong hepe, sagot ni Puno, “Again we're confident by our police force. Professionals 'yang mga 'yan. Friendships not withstanding. Trabaho lang naman 'yan.”
Matatandaang noong Huwebes, Disyembre 11, nang ihayag ni DILG Sec. Jonvic Remulla na mino-monitor nila ang mga galaw ni Dela Rosa na mahigit isang buwan nang hindi umano nagpapakita sa Senado.
“We are monitoring him. Alam namin kung nasaan siya. At hintayin lang namin kung may utos talaga ang korte o wala,” pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa panayam ng GTV’s Balitanghali.
“Palipat-lipat siya ng mga bahay. Sa mga kaibigan niya, tinatago siya. Tapos sa loob lang siya ng bahay. Kapag lilipat siya, iba-ibang kotse ang ginagamit,” aniya.
“So I think we've monitored him in six different places in the last three weeks,” dagdag pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Lokasyon, galaw ni Sen. Bato, minomonitor ng DILG