December 12, 2025

Home BALITA National

'Dapat maawa din siya sa mga taong biktima nila!'—Sec. Dizon kay Sarah Discaya

'Dapat maawa din siya sa mga taong biktima nila!'—Sec. Dizon kay Sarah Discaya
Photo courtesy: MB FILE PHOTO, ABS-CBN (FB)

Binuweltahan ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon ang kontratistang si Sarah Discaya kaugnay sa naging pahayag nito sa pagkaawa sa sariling mga anak habang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation (NBI). 

Ayon sa naging pahayag ni Dizon noong Huwebes, Disyembre 11, sinabi niyang sa Korte at presinto na lang magpaliwanag si Discaya. 

“Ang dami niyang sinasabi na kesyo nadamay lang siya,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Siguro ngayon na may kaso na siya at malapit na ring lumabas ‘yong arrest warrant niya, sinabi na mismo ng Pangulo natin ‘yon, sa Korte na lang at sa presinto na lang siya magpaliwanag.” 

National

Palasyo, iminungkahing hintayin sagot ni VP Sara kaugnay sa alegasyon ng lumitaw na 'bag man'

Pagdidiin ni Dizon, mayroon daw silang matibay na ebidensya laban kay Discaya at iba pang sangkot sa maanomalyang flood control projects. 

Pagpapatuloy pa ni Dizon, dapat din daw na maaawa si Discaya sa taumbayan na umano’y biniktima nila. 

“Ang hindi ko lang maintindihan, naaawa siya sa pamilya niya, naaawa siya kung kanino, dapat maaawa din siya doon sa mga taong biniktima nila,” aniya.  

“‘Yong mga taong binabaha sa Bulacan, ‘yong mga taong binabaha doon sa Davao Occidental na kailangang-kailangan no’ng eskwelahan doon saka ng mga bahay do’n, ng flood control pero wala silang ginawa. Ghost projects,” pag-iisa-isa pa niya. 

Pagkuwestiyon ni Dizon, saan nakuha ni Discaya ang pambili ng luxury car na Rolls Royce dahil nagandahan lang umano ito sa payong na kalakip ng naturang kotse.  

“Saan niya kinuha ‘yong pinambili niya ng Rolls Royce? Dahil trip lang niya, dahil maganda ang payong. Tapos ngayon, sasabihin niya nadamay lang siya [at] wala siyang kinalaman?” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang emosyonal na ibinahagi sa publiko ni Discaya ang pangamba niyang mahiwalay sa kaniyang mga anak sakali mang makulong sa umano’y pagkakadawit sa isang kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control project sa Davao Occidental.

MAKI-BALITA: 'Paano mga anak ko?' Sarah Discaya, takot mawalay sa pamilya 'pag nakulong

Ani Discaya, hindi raw niya gustong makulong dahil mayroong Attention-Deficit/Hyperactivity Disorder (ADHD) ang kaniyang mga anak. 

“Ayoko. Ayoko sana. Kasi as everyone knows, my kids they all have ADHD, husband ko nasa Senate tapos ako makukulong. Ang hirap,” emosyonal niyang pagbabahagi. 

“Ang hirap, hindi ko alam kung paano ‘yong mga anak ko. Hindi ko talaga alam,” paliwanag pa niya.

MAKI-BALITA: Takot ni Sarah Discaya, 'di pwedeng gawing palusot sa pananagutan—Ombudsman

MAKI-BALITA: 'Marami pang magpapasko sa kulungan!' PBBM, aaksyunan natuklasang ghost projects sa Davao Occidental

Mc Vincent Mirabuna/Balita