Nilinaw ng Palasyo na mas maganda raw na hindi madaliin ang pagsasagawa ng batas na anti-political dynasty bill para mas mapag-aralan ito nang mas mabuti.
Matapos ito sa naging reaksyon ng publiko sa pagpapasa nina House Speaker Faustino Dy III at IHouse Majority Leader Sandro Marcos ng House Bill 6771 sa Kamara na magsusulong anti-political dynasty bill sa bansa.
MAKI-BALITA: HS Bojie Dy, Sandro Marcos, inihain anti-political dynasty bill sa Kamara
Ayon sa isinagawang press briefing ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire Castro nitong Biyernes, Disyembre 12, sinabi niyang dapat daw na napagdedebatehan nang mabuti ang pagsasagawa ng naturang batas at hindi minamadali.
“Kaya nga po hindi dapat minamadali ang pagsasagawa ng batas. Dapat inaaral, tamang pagdedebate, tamang pagbibigayan ng kanilang mga suggestion, opinyon, at saloobin ay dapat nadidinig hindi minamadali,” pagsisimula niya.
Ibinahagi rin ni Castro na magkaiba ang bersyon na isinusulong ng Senado at House of the Representative kaugnay sa anti-political dynasty bill kaya raw dapat itong mas pag-aralan pa nang masinsinan.
“At sa ating pagkakaalam, kahit ang Senado ay may ibang version. Sa House ay up to fourth civil degree, sa Senado up to second civil degree. Mas maganda po na maayos ito, hindi dapat madaliin para ito kapag ito ay naipasa, walang loopholes, walang grey area,” aniya.
Nilinaw pa ni Castro na ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., noon sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) na maipasa sa pinakamabilis na panahon ang naturang batas.
“Even during the LEDAC meeting sinabi po ng Pangulo na ito’y araling mabuti at kailangang maipasa sa pinakamabilis na panahon,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, “Kapag sinabi natin aralin, ibig-sabihin hindi minamadali…hindi ganoon ang nais ng Pangulo. Dapat maayos at mapapakinabangan, at magagamit at magiging kapaki-pakinabang sa ating kababayan.”
Matatandaang iniutos ni PBBM sa Senado at Kongreso na iprayoridad ang pagpapasa ng apat na legislative orders, kabilang na ang Anti-dynasty bill at Party-list System Reform Act.
MAKI-BALITA: PBBM, pinamamadali pagpapasa ng Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, atbp.
"The President directed Congress to prioritize the following proposed legislative measures: Anti-dynasty bill, Independent People's Commission Act, Party-list System Reform Act, and Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act to institutionalize transparency and accountability on public finance," saad ni Castro noong Disyembre 9, 2025.
"In a LEDAC Meeting this morning, the President also instructed both houses to take a closer look at the four bills, and prioritize the passage as soon as possible," dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: HS Bojie Dy, Sandro Marcos, inihain anti-political dynasty bill sa Kamara
MAKI-BALITA: Hindi pag-certify as urgent ng Anti-Dynasty bill, atbp, nakaayon sa Konstitusyon—Usec. Castro
Mc Vincent Mirabuna/Balita