December 12, 2025

Home BALITA

Takot ni Sarah Discaya, 'di pwedeng gawing palusot sa pananagutan—Ombudsman

Takot ni Sarah Discaya, 'di pwedeng gawing palusot sa pananagutan—Ombudsman

Pinalagan ng Ombudsman ang recent interview ni Sarah Discaya hinggil sa naging kusang-loob niyang pagsuko sa National Bureau of Investigation (NBI).

Sa pahayag na inilabas ni Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Huwebes, Disyembre 11, 2025, iginiit niyang hindi umano sapat ang takot na nararamdaman ni Discaya sa kaniyang seguridad para matakasan ang pananagutan niya.

“Maliwanag ito: ang takot ni Ms. Discaya ngayon ay bunga ng mga kilos na siya mismo ang gumawa. Sana’y naisip niya ang kinabukasan ng milyon-milyong Pilipinong inilagay sa peligro nang ilihis ang pondo para sa mga proyektong dapat nagpoprotekta sa kanila laban sa baha,” pahayag ni Clavano.

Ipinaliwanag pa niya na ang pondong naturang umano’y inilipat ay dapat sana nakalaan sa mga programa at imprastrukturang kritikal sa disaster preparedness, lalo na sa mga lugar na palagiang binabaha. 

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

Aniya, ang ganitong aksyon ay may direktang epekto sa kaligtasan ng publiko dahil inaantala nito ang implementasyon ng mga proyektong nagsisilbing unang proteksyon ng mga komunidad.

Dagdag pa ni Clavano, kilalanin man ni Discaya ang takot na kaniyang nararamdaman, hindi ito maaaring gamiting dahilan upang iwasan ang pananagutan.

 “May karapatan siya sa due process — pero hindi puwedeng gawing palusot ang takot para takasan ang pananagutan. The consequences are here because the choices were hers.”

Binigyang-diin niyang magpapatuloy ang proseso ayon sa batas at titiyaking patas ang pagdinig sa mga alegasyon. 

Gayunpaman, aniya, kailangang harapin ng sinumang opisyal ang resulta ng kanilang mga naging pasya, lalo na kung nakaaapekto ito sa kapakanan ng mamamayan.