Nilinaw ng abogado ni Sen. Ronald "Bato" dela Rosa na si Atty. Israelito Torreon na dapat daw munang klaruhin ang procedure ng gobyerno ng Pilipinas sa nagbabadya umanong warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban sa senador bago ito magpakita sa publiko.
Ayon sa naging pahayag ni Torreon noong Miyerkules, Disyembre 10, sinabi niyang nagtatrabaho pa rin naman daw ang mga staff at opisina ni Dela Rosa kahit hindi ito personal na pumapasok.
“‘Yong ministerial function naman nandiyan ‘yong mga staff niya,” pagsisimula niya, “He can perform through his staff.”
Ani Torreon, maintindihan daw sana ng publiko na personal na kaligtasan ni Dela Rosa ang nakataya kaya hindi ito nagpapakita sa publiko.
“But as to his personal presence I hope that the Filipino public will understand that what is at stake here is his personal safety already,” aniya.
Dagdag pa niya, “Hindi naman po puwede na may warrant of arrest siya, hindi pa klaro kung anong procedure ang gagamitin ng Philippine government.”
Pagpapatuloy ni Torreon, wala raw kasiguraduhan kung matutulad si Dela Rosa sa naging pagdampot at paghahati kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands.
“Kung paparehasin ba siya ni Tatay Digong na parang manok lang na kukunin, hindi na idaan sa Korte at diretso na do’n sa The Hague, Netherlands,” pagbabahagi niya.
“Doon naman sa ICC, hindi na niya puwedeng ikuwestiyon ‘yong as to how the jurisdiction over a person is acquired,” diin pa niya.
Kailangan daw muna na malinawan si Dela Rosa kung ano ang mga nakahandang proseso na gagawin ng pamahalaan bago ito lumabas at magpakita sa publiko.
“Kaya nga he has to be clarified as what would be the proper procedure that is to be undertaken by the Philippine government in order to… surrender,” saad niya.
“Wala tayong batas, wala tayong constitutional amendment, maski IRR man lang. So dapat klaruhin ito ng gobyerno and then he will appear,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagsimulang lumiban si Dela Rosa sa mga sesyon sa Senado nang sabihin ni Ombudsman Jesus Crispin "Boying" Remulla na may warrant of arrest na raw ang International Criminal Court (ICC) laban sa kaniya.
MAKI-BALITA: Bato, halos 1 buwang absent! Gatchalian nausisa kung 'no work, no pay' rin mga senador
MAKI-BALITA: 'Hintay-hintay lang!' ICC, may tinatapos lang saka isisilbi arrest warrant kay Sen. Bato—Ombudsman Remulla
Mc Vincent Mirabuna/Balita