December 12, 2025

Home BALITA National

'Paano mga anak ko?' Sarah Discaya, takot mawalay sa pamilya 'pag nakulong

'Paano mga anak ko?' Sarah Discaya, takot mawalay sa pamilya 'pag nakulong
Photo courtesy: ABS-CBN (FB)

Emosyonal na ibinahagi sa publiko ng kontratistang si Sarah Discaya ang pangamba niyang mahiwalay sa kaniyang mga anak sakali mang makulong sa umano’y pagkakadawit sa isang kasong may kaugnayan sa maanomalyang flood control project sa Davao Occidental. 

Ayon sa naging panayam ng mamamahayag na si Zyann Ambrosio ng ABS-CBN News kay Discaya noong Miyerkules, Disyembre 10, sinabi niyang hindi niya basta puwedeng isipin na hindi siya makukulong. 

“Syempre you don’t just think of ‘ay, hindi ko ako makukulong kasi nadamay lang ako,’” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Iniisip ko, long term din, baka mamaya makulong talaga ako.” 

National

COA: 69% ng kulungan sa bansa, siksikan na!

Ani Discaya, hindi raw niya gustong makulong dahil mayroong Attention-Deficit/Hyperactivity Disorder (ADHD) ang kaniyang mga anak. 

“Ayoko. Ayoko sana. Kasi as everyone knows, my kids they all have ADHD, husband ko nasa Senate tapos ako makukulong. Ang hirap,” emosyonal niyang pagbabahagi. 

“Ang hirap, hindi ko alam kung paano ‘yong mga anak ko. Hindi ko talaga alam,” paliwanag pa niya. 

Pagpapatuloy ni Discaya, para lang daw sa mga anak nila ang ginagawa sa buhay at inaalala niya kung mahihiwalay siya sa mga ito. 

“Sobrang concern ko ang mga anak ko kasi kung ano man [ang] ginagawa namin [ay] para sa mga anak namin tapos biglang ihihiwalay ako sa mga anak ko,” aniya. 

“‘Yon ‘yong pinakamahirap, na mahiwalay sa mga anak,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang personal na umanong sumuko si Discaya sa ahensya ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos ito sa naging pagsisiwalat ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na paglabas ng warrant of arrest laban sa kaniya noong Martes, Disyembre 9, 2025. 

MAKI-BALITA: Sarah Discaya, sumuko sa NBI kahit 'di pa nalabas arrest warrant na iniulat ni PBBM

Sa kabila nito, pinalagan naman ng Ombudsman ang recent interview ni Sarah Discaya hinggil sa naging kusang-loob niyang pagsuko sa National Bureau of Investigation (NBI).

“Maliwanag ito: ang takot ni Ms. Discaya ngayon ay bunga ng mga kilos na siya mismo ang gumawa. Sana’y naisip niya ang kinabukasan ng milyon-milyong Pilipinong inilagay sa peligro nang ilihis ang pondo para sa mga proyektong dapat nagpoprotekta sa kanila laban sa baha,” saad ni Assistant Ombudsman Mico Clavano nitong Huwebes, Disyembre 11, 2025. 

MAKI-BALITA: Takot ni Sarah Discaya, 'di pwedeng gawing palusot sa pananagutan—Ombudsman

Dagdag pa ni Clavano, kilalanin man ni Discaya ang takot na kaniyang nararamdaman, hindi ito maaaring gamiting dahilan upang iwasan ang pananagutan.

MAKI-BALITA: Sarah Discaya, masisilbihan na ng arrest warrant ngayong linggo—PBBM

MAKI-BALITA: 'Marami pang magpapasko sa kulungan!' PBBM, aaksyunan natuklasang ghost projects sa Davao Occidental

Mc Vincent Mirabuna/Balita