December 11, 2025

Home BALITA Probinsya

Masusing pag-aaral sa mga buwaya, isa sa mga tugon para sa seguridad, kaligtasan ng mga komunidad

Masusing pag-aaral sa mga buwaya, isa sa mga tugon para sa seguridad, kaligtasan ng mga komunidad
Photo courtesy: Palawan Council for Sustainable Development (FB)

Magsasagawa ng masusing pag-aaral sa populasyon ng mga buwaya ang Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) para matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad sa timog ng Palawan. 

Sa pahayag na inilabas ng PCSD noong Miyerkules, Disyembre 10, ibinahagi nilang tugon at pakikidalamhati ito sa mga kaanak ng mangingisdang naiulat na nasawi mula sa pag-atake ng isang buwaya. 

“Ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) ay nakikidalamhati at nakikiisa sa pamilya at mga mahal sa buhay ng ating kababayang nasawi dahil sa Human-Crocodile Conflict sa Bayan ng Balabac ngayong araw, December 10, 2025,” ani PCSD.

“Sa panahon ng ganitong pagsubok, kami ay nandito upang magbigay ng suporta sa mga komunidad sa timog ng Palawan na nagnanais ng kapayapaan at seguridad. Bilang bahagi ng aming pagtugon, kami ay magsasagawa ng masusing pag-aaral sa populasyon ng mga Buwaya (Indo-Pacific Crocodile) sa Palawan,” dagdag pa ng ahensya. 

Probinsya

24-anyos na lalaki, minartilyo ang ex-jowa dahil sa selos?

Bukod pa rito, sa mga susunod pa raw na mga buwan, maglalabas sila ng mga pag-anyaya para hingiin ang saloobin at mungkahi ng mga komunidad na apektado ng buwaya, mga siyentipiko, at eksperto, hinggil sa insidenteng ito. 

Layon ng PCSD na sa pamamagitan ng inisyatibang ito, mapagbubuti ang conservation plan para sa kapakanan ng mga komunidad, masuri ang estado ng mga buwaya bilang “threatened species,” pagkontrol sa mga populasyan ng mga buway, at makapagtaguyod ng “critical habitat” sa mga buwaya habang pinoprotektahan ng mga tao at kalikasan. 

Photo courtesy: Palawan Council for Sustainable Development (FB)

Ang nasabing mangingisdang nasawi ay naiulat na kumukuha lamang ng balatan o sea cucumber nang hindi nito namalayang may buwayang may haba umanong tatlong metro ang naninirahan sa karagatan na kanilang pinagkukuhaan. 

Base sa iba pang mga ulat at pahayag ng mga kaanak nito, nakitaan ng malalaim na kagat ng buwaya sa dibdib ang mangingisda, na pinaniniwalaang umabot sa kaniyang puso. 

Sa kaugnay na ulat, kasalukuyan ding nagsasagawa ng pag-aaral ang PCSD sa maaaring pananagutan ng mga residenteng humili sa isang buwaya sa Sitio Marabajay, Barangay Rio Tuba, Bataraza, noong Huwebes, Disyembre 4. 

Ito’y matapos magtamo umano ng mga sugat ang buwaya sa iba’t ibang bahagi ng katawan bunsod ng isinagawang paghuli. 

MAKI-BALITA: Mali paghuli? Ilang residenteng humuli ng buwaya sa Palawan, pinag-aaralang kasuhan

Ang nasabing buwaya ay pinaniniwalaang responsable sa pagkawala ng humigit-kumulang 15 aso sa Bataraza, Palawan. 

MAKI-BALITA: Buwayang hinihinalang lumapa ng mga aso, hinuli ng mga residente

Sean Antonio/BALITA