Nasawi ang isang 18-anyos na massage therapist matapos umanong sakalin ng kaniyang dating kinakasama sa loob ng isang inn sa Roxas City, Capiz.
Lumalabas sa imbestigasyon na gumamit pa ang suspek ng pekeng social media account para malinlang ang biktima bilang isang customer at maisakatuparan ang umano'y plano.
Ayon sa mga ulat, natagpuan ang dalaga sa loob ng banyo ng inuupahang kwarto nitong Martes at agad na isinugod sa ospital, subalit hindi na siya naisalba.
Base sa CCTV footage, nakita ang 23-anyos na suspek na pumasok at lumabas sa kwarto bago matagpuan ang biktima
Ibinahagi ni Roxas City Police chief Police Lt. Col. Ricardo Jomuad Jr. sa media ang oras ng mga pangyayari, “10:15 nag-check in ang suspek. 10:21 p.m. pumasok siya sa room. 10:33 p.m. dumating ang biktima. 10:56 p.m. lumabas ang lalaki.”
Naaresto ang suspek sa tulong ng Aviation Security Group at umamin umano sa ginawa. Lumitaw din na matagal niya itong planado at gumawa ng dummy account upang magpanggap na kliyenteng magpapamasahe.
Hindi raw matanggap ng suspek ang paghihiwalay nila matapos ang tatlong taon nilang relasyon.
Ayon pa kay Jomuad, sinabi ng manager ng biktima na nagbahagi sa kaniya ang dalaga ng pangamba sa kaniyang kaligtasan bago ang insidente. Matapos gawin ang krimen, nagtangkang uminom ng lason ang suspek kaya dinala siya sa ospital para gamutin.
Sinusuri rin ng mga imbestigador ang posibilidad na nalason ang biktima matapos makakita ng black powder sa lugar ng krimen.
Samantala, nakahanda ang pamilya ng biktima na magsulong ng kaso laban sa suspek.