Iginiit ng transport group na MANIBELA na naging matagumpay ang isinagawa nilang kilos-protesta mula noong Disyembre 9 hanggang 11.
Sa ibinahaging social media post ng MANIBELA nitong Huwebes, Disyembre 11, mababasang matagumpay raw nilang nakuha ang atensyon at aksyon mula sa mga ahensyang may kinalaman hinggil sa kanilang panawagan.
“Nagtagumpay ang transport strike ng MANIBELA sa pagkamit ng atensyon at pangakong aksyon mula sa mga ahensya ng gobyerno,” panimula ng MANIBELA.
“Sa mga araw ng protesta, isinagawa ang sunod-sunod na dayalogo sa LTO, LTFRB at DOTr, kung saan nangako ang mga opisyal na: ilalabas ang jeepney, plaka, at drivers’ license ng mga apektadong operator, maglalabas ng Memorandum Circular para sa extension ng Provisional Authority at pagpaparehistro ng mga sasakyan sa LTO, at iimbestigahan at papanagutin ang mga kawani ng LTO at LTFRB na tumatanggap ng payola, kabilang ang pagbebenta ng Provisional Authority sa TNVS applicants,” dagdag pa nila.
Isiniwalat din ng transport group ang dahilan kung bakit nila pansamantalang tinapos ang naturang protesta.
“Dahil sa pakikiusap ng LTO, LTFRB, at Acting Secretary Giovanni Lopez, pansamantala naming tinapos ang transport strike at kanselado ang protesta sa DOTr, habang patuloy naming minomonitor ang pagtupad sa mga pangako,” anila.
Nagpasalamat naman sila sa mga nakiisa sa nasabing panawagan, at iginiit na patuloy nilang ipaglalaban ang kanilang karapatan kontra katiwalian.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng lumahok, nakiisa at sumuporta sa aming paglaban. Hindi biro ang sakripisyong strike, para mapansin ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. kaya nagpapasalamat din kami sa direkta niyang pagtutok sa aming hinaing, sa media sa patuloy na pagsubaybay, at sa publiko,” saad nila.
“Sa hanay ng matatapang na MANIBELA, patuloy tayong lumalaban laban sa kurapsyon at katiwalian at para sa kabuhayan ng ating mga mananakay,” pagtatapos ng MANIBELA.
Kaugnay sa ikinasang tigil-pasada, nanawagan kamakailan ang Palasyo na huwag na umanong patagalin ito, bilang isang pamasko na lamang ng transport group sa mga mananakay.
“Tayo na rin po ang mananawagan sa grupo ng MANIBELA, alam naman po natin Christmas season, baka naman po puwedeng ipamasko n’yo na. Mapag-usapan kung ano man po ‘yong mga hinaing nila. Pag-usapan para maresolba agad,” saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro sa isang press briefing kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Pamasko n'yo na!' Palasyo, nanawagan sa Manibela pag-usapan, 'wag pahabain tigil-pasada-Balita
Ngunit pinanindigan nilang ituloy ang kilos-protesta sapagkat matagal na raw silang sinasaktan ng bulok na sistema.
“Tuloy ang 3-Day Transport Strike mula December 9–11. Hindi dahil gusto namin, kundi dahil matagal na kaming sinasaktan ng sistemang bulok. Dinidrible-drible lang kami,” saad ng MANIBELA sa kanilang post kamakailan.
MAKI-BALITA: 'Matagal na kaming sinasaktan ng sistemang bulok! MANIBELA, nanindigang tuloy 3-day transport strike-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA