Inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) nitong Huwebes, Disyembre 11, 2025 na alam nila ang mga pinupuntahang lugar at galaw ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa matapos kumalat ang ulat hinggil sa umano’y arrest warrant na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC).
“We are monitoring him. Alam namin kung nasaan siya. At hintayin lang namin kung may utos talaga ang korte o wala,” pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa panayam ng GTV’s Balitanghali.
Ayon kay Remulla, lumilipat-lipat si Dela Rosa sa iba’t ibang lokasyon gamit ang magkakaibang sasakyan at tinutulungan umano ng ilang kaibigan.
Sa nakalipas na tatlong linggo, anim na lugar na ang na-monitor ng mga awtoridad.
“Palipat-lipat siya ng mga bahay. Sa mga kaibigan niya, tinatago siya. Tapos sa loob lang siya ng bahay. Kapag lilipat siya, iba-ibang kotse ang ginagamit,” aniya.
“So I think we've monitored him in six different places in the last three weeks,” dagdag pa niya.
Tumanggi si Remulla na ibigay ang eksaktong lokasyon dahil classified umano ang impormasyong ito.
Nilinaw ng kalihim na hindi pa maituturing na “fugitive” si Dela Rosa dahil wala pang opisyal na ipinalalabas na arrest warrant mula sa ICC.
Kung sakaling maglabas na ng warrant ang ICC, sinabi ni Remulla na may karapatan pa rin ang senador na gumamit ng legal na remedyo batay sa umiiral na desisyon ng Korte Suprema kaugnay ng extradition.
“According to the Supreme Court ruling on extradition, papayagan si Senator Bato to seek redress from the court. Kahit RTC, pwede siya mag-seek ng redress to deal with the matter,” paliwanag ni Remulla.
“At kung ano ang desisyon ng korte, ay iyon ang gagawin ng gobyerno,” dagdag pa niya.