December 12, 2025

Home BALITA

Huling pagdinig ng ICI ngayong 2025, ikakasa sa Disyembre 15

Huling pagdinig ng ICI ngayong 2025, ikakasa sa Disyembre 15

Nakatakdang isagawa ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang huling pagdinig nito para sa 2025 sa darating na Disyembre 15, kasabay ng huling araw sa tungkulin ni outgoing commissioner Babes Singson.

Inanunsiyo ito ni ICI Executive Director Brian Hosaka nitong Huwebes, Disyembre 11, at sinabi niyang patuloy na tututukan ng komisyon ang pagbuo ng mga kaso kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

“We will continue, the Commission will continue with its hearing... up to Dec. 15. But this would be subject for confirmation by resource persons that will be invited,” pahayag ni Hosaka.

Kabilang sa mga iniimbitahang dumalo bago matapos ang serye ng pagdinig ngayong taon si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Catalina Cabral, na isa sa mga iniugnay sa kontrobersiya. Gayunpaman, hindi pa umano nito kinukumpirma ang pagdalo.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo

“Nevertheless, the Commission will continue with its case build up, except the fact that the hearings will not continue in the meantime,” dagdag pa ni Hosaka.

Samantala, nakatakda ring umalis si Singson sa ICI sa Disyembre 15 matapos ang kanyang pagbibitiw. Ngunit ayon kay Hosaka, hindi maaantala ang trabaho ng komisyon kahit mabawasan ng isang commissioner.

“There would still be the chairman and of course Commissioner [Rosana] Fajardo. That would be two out of the three commissioners in the ICI,” aniya.

Posible rin umanong maglabas ang ICI ng panibagong referral bago mag-Pasko o sa oras na matapos ang bagong case build-up. 

“But definitely, we will know if there’s really a need to continue with the hearings regardless of a replacement or not, you will know,” saad pa ni Hosaka sa mga reporter.

Sa gitna naman ng mga talakayan hinggil sa posibilidad na magkaroon ng isang institutionalized Independent People’s Commission (IPC), sinabi ni Hosaka na inaasahang magpapatuloy ang operasyon ng ICI sa susunod na taon. Aniya, humiling pa nga umano sa kanila ng budget para sa 2026.

Binigyang-diin niya na sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 94, mananatili ang komisyon “until the purpose for which it was created is achieved.”

“Functus officio nga, ‘yun ang tinatawag sa legal term, upon the completion of its mandate, or until earlier dissolved by the President,” paliwanag ni Hosaka.