Nagbigay ng komento si Senate President Vicente “Tito” Sotto III kaugnay sa pagkakapiit nina Bulacan engineers Henry Alcantara, Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, at kontratistang si Curlee Discaya sa Senate detention hanggang sa sumapit ang Pasko at Bagong Taon.
Ayon sa naging ambush interview kay Sotto sa Senado nitong Huwebes, Disyembre 11, sinabi niyang isusuko lang umano nila sina Alcantara, Hernandez, Mendoza, at Discaya kung magkakaroon ng warrant of arrest laban sa mga ito.
“Kapag mayroong nag-issue ng warrant sa kanila, isu-surrender namin sila doon sa warrant,” pagsisimula niya.
Pagpapatuloy pa ni Sotto, posibleng tumagal ang mga nasabing indibidwal hanggang Hunyo 2028 ayon na rin sa mandato ng Korte Suprema depende sa itatagal pa ng imbestigasyong ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control projects.
“Kapag wala, dito pa sila hangga’t hindi tapos ‘yong Blue Ribbon hearing… Hanggang June of 2028 kasi ‘yan ang sinasabi ng Supreme Court na contempt namin ay hanggang matapos lang ‘yong Committee report or ‘yong Congress na ‘yon,” aniya.
Ani pa ni Sotto, possible rin naman umano na itigil na ang imbestigasyon ng nasabing Komite ngunit depende raw iyon kung madagdagan pa ang iimbestigahan nito sa flood control project anomalies.
“It’s possible pero possible lang, e. Depende. Hindi pa natin alam kung sino-sino pa at kung ano-anong klaseng mga kaso pa ‘yong ipa-file,” saad niya.
Dagdag pa niya, “Kasi kapag nadagdagan ‘yong mga ipa-file na kaso baka puwede na kaming mag-wrap up.”
Samantala, tila hindi pa sigurado si Sotto sa magiging desisyon ng Senado sakali mang humili ang mga nasabing indibidwal na magdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa kanilang tahanan.
“We will cross the bridge when we get there,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: Kung walang arrest order ang SC: Curlee Discaya, DPWH engineers, kulong sa Senado hanggang 2028
MAKI-BALITA: 'Paano mga anak ko?' Sarah Discaya, takot mawalay sa pamilya 'pag nakulong
Mc Vincent Mirabuna/Balita