Halos 70 porsyento ng mga kulungan sa Pilipinas ang siksikan na ayon sa Commission on Audit (COA).
Base sa 2024 audit report ng ahensya sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na inilabas ngayong Disyembre, 336 a sa 484 na piitan sa buong bansa o 69.42% ang siksikan na.
Ang congestion rates ng mga piitan ay mula 1% hanggang 2,141%, lampas na sa itinakdang standards ng BJMP at United Nations Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners.
Ayon sa report ng COA, ang pinaka siksikang kulungan ay sa Biñan City Jail – Male Dormitory (2,141%), Muntinlupa City Jail – Male Dormitory (2,029%), at Dasmariñas City Jail – Female Dormitory (1,749%).
Dagdag pa ng report, ang BJMP ay mayroong mahigit na 113,518 PDLs, na lampas na sa ideal capacity na 50,085 bilanggo, alinsunod sa pamantayan ng United Nations na dapat mayroong 4.7 square meters na espasyo bawat tao.
Ang 88% ng 113,518 PDLs ang naghihintay pa ng paglilitis, o pinal na hatol sa kanilang kaso, 10% naman ang isinisilbi ang kanilang sentensiya na hindi bababa sa tatlong taon, at 2% naman ang nagsisilbi ng mas mahabang taon ng sentensya.
Dahil sa siksikang piitan, nagreresulta na raw ito sa hindi magandang kondisyon ng persons deprived of liberty (PDLs).
Bilang tugon, humihingi ang BJMP ng suporta national at local government units para pondohan ang pagbili ng lupa upang makapagpatayo ng mga bagong piitan.