December 11, 2025

Home BALITA Probinsya

Away sa lupa, nauwi sa putukan; 2 sugatan

Away sa lupa, nauwi sa putukan; 2 sugatan
Photo courtesy: screengrab from contributed photo

Nasugatan ang isang ina at ang kaniyang anak na babae matapos silang pagbabarilin kaugnay umano ng alitan sa lupa sa Barangay Busdac, Bacacay, Albay, ayon sa ulat ng pulisya.

Makikita sa nagkalat na video sa social media ang suspek na si Juan Barcia y Bas, 73 anyos, na nakatayo sa harap ng mga biktima habang nakatutok ang baril sa kanila. Umigting ang pagtatalo hanggang sa paputukan ng suspek ang mag-ina sa malapitan.

Ayon sa pulisya, tinamaan si Anjie Bas sa kaliwang hita, habang nagtamo naman ng tama ng bala sa kanang hita ang kaniyang anak na si Nelia Bas.

Agad silang isinugod ng mga residente sa Cabasan District Hospital bago inilipat sa Bicol Regional Hospital and Medical Center sa Legazpi City para sa karagdagang gamutan.

Probinsya

Masahista, patay sa sakal ng ex-jowang nagpanggap na customer

Matapos ang pamamaril, tumakas si Barcia patungo sa mabundok na bahagi ng Barangay Pigcobuhan. Nagsagawa ng hot pursuit operation ang lokal na pulisya at natunton siya sa upland area ng nasabing barangay. Narekober din ang baril na pinaniniwalaang ginamit sa insidente.

Si Barcia ay dinala na sa kustodiya at kasalukuyang nakakulong. Ayon sa mga imbestigador, lumalabas sa paunang inquiry na matagal nang alitan sa lupa ang motibo ng suspek.

Kumpirmado ng pulisya na haharap si Barcia sa dalawang bilang ng frustrated murder. Posible rin umanong madagdagan ang mga kasong isasampa depende sa magiging resulta ng ebidensya at kondisyon ng mga biktima.

Umani ng atensyon sa komunidad ang insidente, lalo’t matagal na umanong may tensyon sa lugar dahil sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa. Tiniyak ng pulisya na magpapatuloy ang imbestigasyon habang kinakalap ang mga pahayag at nire-review ang available na video evidence.