Nakabilang sa “List of Intangible Cultural Heritage (ICH) in Need of Urgent Safeguarding” ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) ang tradisyunal na paggawa ng Asin Tibuok na mula sa isla ng Bohol.
Ayon sa UNESCO-Philippine National Commission, sa pagkakabilang ng Asin Tibuok sa Urgent Safeguarding List, kinikilala ng UNESCO ang agarang pangangailangan nito ng suporta para matiyak ang pagpasa sa mga susunod pang henerasyon.
“This global recognition shines a spotlight on the centuries-old craftsmanship of Boholano salt makers — our mang-asinay — and affirms the cultural importance of Asin Tibuok as a living heritage that must be preserved for future generations,” saad naman ng pamahalaang panlalawigan ng Bohol, na ipinagbubunyi ang global recognition na ito.
Ang naging pagkilala ay isinagawa noong Martes, Disyembre 9, sa 20th Session of the Intergovernmental Committee for the Safeguarding of the Intangible Cultural Heritage ng UNESCO, sa New Delhi, India.
Base sa lathala ng UNESCO, ang asin tibuok ay isang tradisyunal na paggawa ng asin na kadalasa’y ginagawa ng isang pamilya, at kadalasang ipinapasa sa pamamagitan ng hands-on na pagtuturo sa mga bata.
Para sa ilang komunidad, ang tradisyong ito ay parte na ng kanilang buhay at pangkabuhayan, at hindi nawawala sa mga pagtitipon at selebrasyon.
“The practice of making the artisanal sea salt is usually a family activity, and knowledge is passed down through hands-on learning, with children observing and helping their parents. Community groups have recently started to help document and protect the practice. For the practising communities, asin tibuok is a key part of daily life and food traditions. It supports livelihoods and plays a central role in gatherings and celebrations,” saad ng UNESCO.
Paano ginagawa ang asin tibuok?
Mula sa salitang Cebuano, ang “asin tibuok” ay buong asin na ginagawa sa pamamagitan ng pagbabad sa mga bunot ng niyog sa tubig-dagat ng ilang araw bago patuyuin at sunugin para maging abo o “gasang.”
Kapag tuluyan nang natuyo, ang gasang ay iipunin sa isang kawayan na embudo para makuha ang maalat na katas na tinatawag na “tasik.”
Ang tasik ay dahan-dahang pakukuluan sa palayok o banga hanggang sa tumigas.
Pagkatapos nito’y ibebenta na ang asin tibuok kasama ang palayok na pinaglagyan nito.
Sean Antonio/BALITA