Kilala sa pagiging self-driven at madaling pakikibagay ang Gen Zs na ang henerasyon na kasalukuyang kumakatawan sa sinabi ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal na “kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Bukod dito, ayon sa Stanford Report, ang Gen Zs ay kinokonsidera ding “digital natives” dahil nabuhay ang mga ito sa panahong yumayabong na ang teknolohiya.
Kaya ayon sa pag-aaral ng Statista noong Nobyembre 2025, nangunguna ang Pilipinas sa ranking ng internet users na naglalaro ng video games, kung saan, mayroong 96% gaming penetration na naitala sa bansa.
Dahil dito, dumarami na rin ang Gen Zs ang hindi na lang basta naglalaro, ngunit gumagawa na rin ng sarili nila video game.
Narito ang ilan sa bagong video games na gawa ng kabataang Pinoy:
AME
Ito ay isang story-based horror game na naka-set sa taong 2000s sa bansa, kung saan, pinaghahalo rito ang mga elemento mula sa ilang paniniwala sa mga probinsya at mitolohiya, partikular sa Cebu.
Ang game developers sa likod ng larong ito ay ang 9Lives, na mga estudyante mula sa Cebu Institute of Technology.
Ang Ame ang naging overall winner sa Sugbuanon Saga 2025 game jam, na isang game development event sa Cebu.
Layon ng event na ito ipakita ng talento ng kabataang Cebuano sa paggawa ng video games.
Photo courtesy: itch.io
BALIKAW
Ang Balikaw ay isa ring story-based video game na sinusundan ang istorya ng batang si Pauelette, na nasa bahay ng kaniyang Lola Olet.
Para malaro ito, mayroong mga gawain o tasks si Pauelette na base sa mga sinaunang pamahiin at paniniwala, at ang kinakailangan lamang gawin ng bata ay sundin ito at mabuhay hanggang umaga para makauwi sa sarili niyang bahay.
Ang developers ng larong ito ay ang 8LOG, na mga estudyante mula sa Cebu Institute of Technology.
Ang Balikaw ay nanalong 3rd placer sa Sugbuanon Saga 2025 game jam.
Photo courtesy: itch.io
HAPUNAN
Ang Hapunan ay isang first-person indie horror game na sinundan ang istorya ni Niko, isang balut vendor na maraming itinatagong sikreto sa dilim.
Ang larong ito ay ginawa ng developer na si Josef Yenko na kilala rin bilang Yikon sa gaming world.
Ang Hapunan ay nag-viral at sa kasalukuyan at nagkaroon ng 2.9 milyong views sa unang tatlong linggo nito.
Photo courtesy: Yikon (YT screenshot)
LOLA’S LUTONG BAHAY
Ang Lola’s Lutong Bahay na laro ay isang throwback ng maraming Pinoy sa pagkabata nila dahil sa video game na ito, sinunsundan ang kuwento ng batang si Dalisay mula sa Olongapo City.
Pangarap ni Dalisay maging chef, kaya para masanay siya, mga recipe ng kaniyang lola ang sinusundan niya, at bukod dito, may misyon din siya na hanapin ang mga nawawalang page nito para matututnan pa ang sikreto sa likod ng bawat luto.
Ang developers sa likod ng video game na ito ay ang Team Meowfia na pinangungunahan nina Trina Francesca Pagtakhan bilang lead designer at Michelle Lim bilang lead programmer.
Photo courtesy: Senshi Labs
Sean Antonio/BALITA