Tila handa umanong personal na maghain ng ethics complaint si dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV laban kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa kaugnay sa matagal na nitong hindi paggampan sa tungkulin niya sa Senado.
Ayon sa naging panayam ng “Sa Totoo Lang” ng One PH kay Trillanes noong Martes, Disyembre 9, ipinaliwanag niyang naiintindihan daw niya si Senate President Vicente “Tito” Sotto III hindi muna maaaksyunan ang pagliban ni Dela Rosa dahil isang buwan pa lang itong hindi pumapasok.
“Ngayon lang kasi masyado pang malapit. Naiintindihan ko si Senate President [Tito Sotto] na we cannot move that yet kasi one month pa lang naman, baka pumasok ‘yan [Sen. Dela Rosa],” aniya.
Giit naman ni Trillanes, maaari raw matanggal si Dela Rosa sa Senado sa darating na unang sesyon ng mga senador sa 2028 kung i-absorb ng mga ito ang second half sa termino ng panunungkulan ng nasabing senador.
“Pero siguro kapag natapos na itong first regular session ng Senado ay puwede nang maging basis ‘yan for an ethics case na puwede siyang i-expel,” saad niya.
Paliwanag pa niya, “Kapag ni-expel siya sa 2028, on a mere resolution ng Senado, 13 candidates sa 2028 election ang pipiliin sa Senado to absorb the second half no’ng term ni Bato.”
Sa usapin naman ng paghahain ng ethics complaints laban kay Dela Rosa, ibinahagi ni Trillanes na handa umano siyang personal na maghain ng reklamo laban sa senador.
“Why not? Kung walang magpa-file, pa-file-lan ko siya. Ako sana, inaabangan ko siya to ano, sabi niya, make my day daw, inaabangan ko siya kaso wala naman,” aniya.
Matatandaang iminungkahi na rin ni Senate President Tito Sotto na mas maganda raw na hainan ng ethics complaint ang mga legislator na lumiliban sa trabaho sa kabila ng tuloy-tuloy na pagsuweldo ng mga ito.
MAKI-BALITA: SP Sotto sa isyung 'No Work, No Pay' ng mga mambabatas: 'Hainan ng ethics complaints nang maaksyunan'
“Siguro kung mayroong mga kababayan tayo na gustong tanungin at saka let’s say na gustong panagutin ang isang legislator, mag-file sila ng ethics complaint,” saad ni Sotto sa isang media interview sa kaniya noong Disyembre 2, 2025.
Dagdag pa niya, “‘Yon ang pinakamagandang remedios para matalakay natin ‘yon.”
MAKI-BALITA: Bato, halos 1 buwang absent! Gatchalian nausisa kung 'no work, no pay' rin mga senador
MAKI-BALITA: 'Maraming congressman ginagawa 'yan dati, bakit ngayon Senado pinag-iinitan?'—SP Sotto sa isyu ng absent
Mc Vincent Mirabuna/Balita