December 12, 2025

Home BALITA

Tinio sa planong lakwatsa ni Pulong: 'Ano ba siya, kinatawan ng distrito o Miss Universe?'

Tinio sa planong lakwatsa ni Pulong: 'Ano ba siya, kinatawan ng distrito o Miss Universe?'
Photo Courtesy: via MB

Binanatan ni ACT Teachers Rep. Antonio Tinio ang pinaplanong dalawang buwang bakasyon ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa Kongreso para bumiyahe sa 17 bansa.

Sa panayam ng media nitong Miyerkules, Disyembre 10, pinaalala ni Tinio kay Duterte ang responsibilidad at trabaho ng isang kongresista.

“Ano ba siya, kinatawan ng distrito o Miss Universe? Ang trabaho ng isang congressman ay katawanin ang kaniyang distrito. Dapat mag-expect ang mamamayan ng mas mataas na standard ng serbisyo mula sa kanilang mga elected representative,” saad ni Tinio.

Dagdag pa niya, “Ang pinaka-basic, of course, ay pumasok sa Kongreso para madala mo ang interes ng iyong constituents—whether sa committee hearing or sa plenary. “

DSWD Sec. Gatchalian, may alok na ₱100K pabuya sa makakapagturo ng salarin sa asong pinutulan ng dila

Bukod dito, kaduda-duda rin umano ang timing ng lakwatsa ni Duterte dahil kamakailan nga ay inimbitahan siya ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para usisain kaugnay sa mga pampublikong imprastruktura sa kaniyang distrito.

Ngunit tinanggihan ito ni Duterte dahil wala raw kapangyarihan o hurisdiksyon ang ICI sa kaniya bilang miyembro siya ng Kongreso.

Maki-Balita: 'Pure political propaganda!' Rep. Pulong, tinanggihan imbitasyon ng ICI

Matatandaang kinumpirma mismo ni House Secretary General Cheloy Garafil ang hiling na travel clearance ni Duterte noong Martes, Disyembre 9. 

Batay raw sa kopya ng liham ni Pulong kay House Speaker Faustino Dy III noong Disyembre 1, magsisimula ang biyahe niya sa Disymebre 15 na magtatagal hanggang Pebrero 20, 2026.

Kabilang sa mga bansang pupuntahan ni Pulong ay ang Netherlands kung saan kasalukuyang nakapiit ang ama niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa kasong crimes against humanity.

Maki-Balita: Pulong humirit ng 2 buwang bakasyon; lilipad sa 17 bansa