Naniniwala si Independent Commission for Infrastructure (ICI) Chair Justice Andres Reyes, Jr., na tatagal pa ang ICI sa loob ng dalawang taon.
Ayon sa naging ambush interview ng GMA News reporter na si Joseph Morong kay Reyes nitong Miyerkules, Disyembre 10, sinabi niyang magtatrabaho raw sila nang mabuti sa anomang panahon na nakatayo pa ang ahensya ng ICI.
“We will work very hard until whatever is the date of our existence,” aniya.
Tingin umano ni Reyes, tatagal pa ng dalawang taon ang pagseserbisyo nila sa nasabing Komisyon.
“I think we [will] go for two years. That is the mandate so I guess that’s two years,” saad niya.
Taliwas dito, matatandaang inihayag noon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may iilang buwan na lamang umano ang ICI at saka ililipat sa kanila ang mga trabaho at imbestigasyon ng naturang komisyon.
MAKI-BALITA: Bilang na mga araw? Trabaho ng ICI, pwede na ipasa sa Ombudsman matapos ang 2 buwan—Remulla
Sa panayam ng Unang Balita kay Remulla noong Disyembre 5, 2025, iginiit niyang maaaring may isa hanggang dalawang buwan na lamang daw ang ICI.
Dagdag pa ni Remulla, hindi naman daw talaga pang-habambuhay ang operasyon ng ICI.
Samantala, nagbigay rin ng komento si Reyes kaugnay sa mga balitang pagsuko ng kontratistang si Sarah Discaya sa National Bureau of Investigation (NBI) at pagkansela sa pasaport ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
“We’re being blessed by God,” pagpapasalamat pa ni Reyes.
MAKI-BALITA: Sarah Discaya, sumuko sa NBI kahit 'di pa nalabas arrest warrant na iniulat ni PBBM
MAKI-BALITA: Passport ni Zaldy Co, kanselado na!—PBBM
Mc Vincent Mirabuna/Balita