Nakiisa at pumirma si Vice President Sara Duterte sa petisyong “Tay, kami naman!” ng mga Duterte supporters na naglalayong pauwiin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa bansa.
Ayon sa ibinahaging video ng uploader na si Joie Cruz sa kaniyang Facebook page nitong Miyerkules, Disyembre 10, makikita ang pagpirma umano ni VP Sara sa nasabing petisyong isinusulong ng mga tagasuporta sa pagpapauwi ng kaniyang ama sa Pilipinas.
Photo courtesy: Joie De Vivre Every Other Day (FB)
Ang “Tay Kami Naman” ay isang global signature campaign na isinagawa at pinangunahan ng mga Duterte supporters para sa paghingi ng agarang resolution kaugnay sa pag-aresto kay FPRRD at pagdala dito sa The Hague, Netherlands.
Ayon na rin sa ibinahaging pahayag ni Joie Cruz sa kaniyang Facebook noong Disyembre 6, 2025, mababasang naglatag sila ng apat na dahilan sa Korte Suprema para sa pagsusulong ng “Tay, kami naman!” campaign.
Una, pagsusulong na umusad ang mga pending petition may kaugnayan kay FPRRD sa Korte Suprema para sa pagkokonsidera ng kahalagahan nito sa bansa at epekto nito para sa tiwala ng publiko.
“Act on the four pending petitions (G.R. Nos. 278747, 278798, 278763, 278768) with deliberate urgency, considering their importance to the country and their impact on public trust,” anila.
Dagdag pa nila, magdeklara ng pagpapawalang bisa sa sa mga kinikilos ng Office of the President at mga opisyal nitong lumalabag sa due process, paglampas sa executive authority, at pagbabalewala sa mga hudisyal na proseso sa pag-aresto noon sa dating Pangulo.
“Declare void any act of the Office of the President or its officials that violates due process, exceeds executive authority, or ignores judicial procedures in relation to the arrest and treatment of former President Duterte,” saad nila.
Dagdag pa rito, pinananawagan din nila ang pagsunod sa Konstitusyon at kalayaan ng judiciary ng bansa.
“Uphold the Constitution and the independence of the judiciary, and make clear that no public official is above the law,” ‘ika pa nila.
Bukod dito, nais din nilang gumawa ng makatarungang hakbang ang Office of the President para sa pagpapabalik kay FPRRD sa hurisdiksyon ng bansa at maprotektahan ng batas nito.
“Direct the Office of the President to take all lawful steps to bring former President Duterte safely back to Philippine jurisdiction, under the protection of Philippine law,” pagtatapos pa nila.
Matatandaang matagal nang iginigiit ng kampo ni Duterte na wala na raw hurisdiksyon ang ICC sa kaso niya dahil tumiwalag na ang Pilipinas sa Rome Statute noong 2019.
Ngunit ayon sa ICC, sapat na umano ang paunang imbestigasyong ginawa nila noong 2018 para isailalim sa konsiderasyon ang krimeng kinasangkutan ng dating pangulo bago pa man nito ipag-utos ang pagkalas sa ICC.
MAKI-BALITA: ICC Prosecutor, Victims Counsel ipinapabasura apela ni Duterte sa hurisdiksyon ng kaso niya sa ICC
MAKI-BALITA: Pulong humirit ng 2 buwang bakasyon; lilipad sa 17 bansa
Mc Vincent Mirabuna/Balita