December 12, 2025

Home BALITA

Suspek sa pumatay sa magkapatid sa Naga, natagpuang patay sa baybayin

Suspek sa pumatay sa magkapatid sa Naga, natagpuang patay sa baybayin
Photo courtesy: Contributed photo

Dalawang araw matapos matagpuang patay ang magkapatid na sina Clodette Jean at Khiela Mae Divinagracia sa Naga City,  natagpuan namang palutang-lutang sa baybayin ng Cabusao, Camarines Sur ang bangkay ng itinuturong suspek na live-in partner ni Clodette.

Ayon sa Cabusao Police, kinilala ng kaanak ang bangkay bilang si Marfe Hufancia, batay sa mga isinusuot nitong damit, singsing, at pustiso.

“Base sa singsing na nakuha sa patay, pareho ng biktima. Yung damit, polo shirt, short, gamit niya nung huling nakita, kinumpirma ng kumpanya at pustiso ayon sa kapatid pero subject for DNA [testing] pa,” ayon kay PCapt. Albert Joven sa panayam ng media.

Batay naman sa CCTV footage na sinasabing ebidensya sa pagpaslang umano ni Hufancia kay Clodette. Sa video na kuha sa Barangay Concepcion Grande bandang alas-10:30 ng gabi noong Sabado, Disyembre 6, 2025, makikitang dumating ang isang tricycle na sinakyan umano nina Clodette at Hufancia. Maya-maya’y maririnig ang malakas na sigaw ni Clodette bago tuluyang tumahimik ang paligid.

Probinsya

24-anyos na lalaki, minartilyo ang ex-jowa dahil sa selos?

KAUGNAY NA BALITA: Dalawang magkapatid na babae, brutal na pinatay sa Naga

Kinabukasan, natagpuang patay si Clodette, habang natagpuan naman sa kanilang tinutuluyang boarding house sa Barangay Concepcion Pequeña ang kapatid niyang si Khiela na tadtad ng saksak. Ayon sa pulisya, huling nakapag-text si Khiela sa kaklase dakong ala-1 ng hapon noong Sabado.

Batay sa paunang impormasyon, inihatid muna ni Hufancia ang dalawang anak sa bahay ng kaniyang mga magulang noong Sabado bago umano nito binalikan ang magkapatid upang patayin.

Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang sanhi ng pagkamatay ng suspek at tiniyak na isasailalim ito sa DNA testing upang tuluyang makumpirma ang pagkakakilanlan.

Nasa kustodiya na ng DSWD ang dalawang anak nina Clodette at Hufancia. Nakatakdang ilibing ang magkapatid sa kanilang lugar sa Cotmo, San Fernando, Camarines Sur sa Biyernes, Disyembre 13.