December 12, 2025

Home BALITA National

PBBM, tiwala pa rin sa ICI kahit pinamamadali pagpasa sa Independent People's Commission Act

PBBM, tiwala pa rin sa ICI kahit pinamamadali pagpasa sa Independent People's Commission Act
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB, MB


Tiwala pa rin umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), kahit pa pinamamadali nito ang pagpasa ng Independent People's Commission (IPC) Act sa Kongreso.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Disyembre 10, ibinahagi ni Palace Press Officer at PCO Usec. Atty. Claire Castro na tiwala pa rin si PBBM sa ICI, sapagkat wala pa naman daw ang IPC Act.

“Yes, still [kasi] wala pa naman po ‘yong batas e. Tiwala po ang Pangulo sa mga ginagawa po ng ICI,” saad ni Castro.

Bumwelta naman ang Palasyo hinggil sa pahayag ni dating ICI Commissioner Rogelio “Babes” Singson na wala raw pangil ang komisyon.

“Walang pangil in a way dahil walang contempt powers? Hindi po naman ito gagawin ng ating Pangulo kung walang pangil. Yes, oo, wala silang contempt powers because katulad ng sinabi natin, hindi ito ang purpose na isinagawa itong Independent fact-finding commission—kung hindi mag-gather lamang ng mga documents, data, evidence na maitutulong kapag nais nang isampa ang isang kaso sa [Department of Justice] DOJ o sa Ombudsman,” sagot ni Castro.

“Marami na po ang nasampahan [ng kaso], marami na rin po ang na-freeze ang assets, so hindi po natin masasabi na walang naging pangil ang ICI,” pagtatapos niya.

Matatandaang isa lamang ang IPC Act sa apat na legislative orders na pinamamadaling ipasa ni PBBM. Kasama nito ang Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, at Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.

MAKI-BALITA: PBBM, pinamamadali pagpapasa ng Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, atbp.-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA