December 12, 2025

Home BALITA National

Pagsang-ayon ni PBBM sa Anti-Dynasty Bill, dala raw ng mga 'umaabuso'—Palasyo

Pagsang-ayon ni PBBM sa Anti-Dynasty Bill, dala raw ng mga 'umaabuso'—Palasyo
Photo courtesy: RTVM/YT, Bongbong Marcos/FB


Isiniwalat ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang dahilan hinggil sa ibinabang direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na madaliin ang pagpapasa ng apat na panukalang batas, kasama na ang Anti-Dynasty Bill—salungat sa dati nitong prinsipyo dahil sa pagpabor nito sa political dynasty.

Matatandaang sinabi ni PBBM noong siya ay tumatakbo pa lamang sa pagkapangulo noong 2022 na ayos lamang para sa kaniya ang political dynasty.

“Why would you make political dynasty illegal? Paano kung ‘yon ang gusto ng tao? The perception is political dynasty is bad which is not the case. You are targeting a very specific group in society. Ang politika naman is all about performance. If you are worried about dynasties, then take everybody to an election,” saad ni PBBM.

Sa isinagawang press briefing ng PCO nitong Miyerkules, Disyembre 10, sinabi ni Castro na mga “umaabuso” ang dahilan kung bakit itinulak ng Pangulo ang agarang pagpapasa ng mga naturang panukala.

“Katulad noong sinabi natin kanina, nagbabago ang political landscape, maraming umaabuso,” saad ni Castro.

“At tama naman ang Pangulo, ang kapangyarihan ng pagboto ay nasa kamay ng taumbayan pero dahil dito, may mga naaabuso [kaya’t] nais ng Pangulo na ipabatid sa taumbayan na kayo ay may choice—choice na naaayon sa merito, hindi lamang dahil pare-pareho ng apelyido,” dagdag pa niya.

Sinagot din ni Castro ang mga tanong hinggil sa kung paano binibigyan ni PBBM ng depinisyon ang salitang dynasty, kung ano ang mga probisyong nakapaloob sa order na ito, at ang tiwala ng Pangulo na maisasabatas ito ng Kongreso gayong karamihan sa kanila ay nagmula sa mga dinastiya.

“Kaya nga ang bilin ng Pangulo: aralin itong mabuti, para maging tama ang definition ng dynasty,” ani Castro.

Sa parehong press briefing, iginiit ng press officer na naaayon sa Konstitusyon ang hindi pag-certify as urgent sa mga naturang panukala.

“So, naaayon naman po sa Konstitusyon ang ginagawa ng Pangulo. Hindi naman po ibig sabihin na hindi sinertify as urgent ng isang bill ay hindi na po sinsero ang Pangulo. Kaya po binigyan niya ng mensahe, malinaw, priority bills po ang apat na legislative measures," anang press officer.

MAKI-BALITA: Hindi pag-certify as urgent ng Anti-Dynasty bill, atbp, nakaayon sa Konstitusyon—Usec. Castro-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA