Patay ang isang 31-anyos na mangingisda, na kinilala sa alyas “Dandan,” matapos sakmalin sa ulo ng isang buwaya habang nangunguha ng balatan sa Sitio Tawa, Barangay Agutayan, Balabac, Palawan nitong Miyerkules ng gabi, December 9.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sumisid ang biktima kasama ang kaniyang mga kaibigan bandang alas-8 ng gabi para mag-harvest ng balatan o sea cucumber nang biglang umatake ang buwaya. Ayon sa mga nakasaksi, sinakmal sa ulo si Dandan habang nasa ilalim ng tubig bago siya muling binitiwan ng hayop.
Inilarawan ng mga kasama ng biktima na “malaki” ang buwayang umatake sa mangingisda. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang mga pangyayari sa insidente at kung may dapat pang ipatupad na hakbang sa lugar.
Nagpaabot naman ng pakikidalamhati ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa pamilya ng biktima. Tiniyak din ng ahensya na handa silang magbigay ng tulong at suporta sa mga komunidad sa timog Palawan na patuloy na humaharap sa banta ng wildlife incidents.
Bilang tugon, magsasagawa ang PCSDS ng masusing pag-aaral sa populasyon ng Indo-Pacific Crocodile sa Palawan upang mabigyang-daan ang tamang pamamahala at pag-iingat sa mga lugar na mataas ang insidente ng pakikipag-encounter sa mga buwaya.