December 11, 2025

Home BALITA Probinsya

Mali paghuli? Ilang residenteng humuli ng buwaya sa Palawan, pinag-aaralang kasuhan

Mali paghuli? Ilang residenteng humuli ng buwaya sa Palawan, pinag-aaralang kasuhan
Photo courtesy: Contributed photo

Patuloy na pinag-aaralan ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSD) ang maaaring pananagutan ng mga residenteng humuli sa isang dambuhalang buwaya sa Sitio Marabajay, Barangay Rio Tuba, Bataraza, Palawan noong Disyembre 4, 2025.

Ayon sa PCSD, hindi umano dumaan sa tamang protocol ang paraan ng pagkakahuli ng mga residente sa naturang buwaya. 

Bunsod nito, nagtamo umano ang hayop ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at pinaniniwalaang nakaranas din ito ng matinding trauma.

Nilinaw ng ahensya na hindi nangangahulugang agad na kakasuhan ang mga sangkot, dahil isasailalim pa sila sa masusing imbestigasyon. Gayunpaman, posibleng pagmultahin at sampahan ng kasong kriminal ang sinumang mapatutunayang may pananagutan sa insidente.

Probinsya

24-anyos na lalaki, minartilyo ang ex-jowa dahil sa selos?

Nanawagan din ang PCSD sa publiko na huwag bigyan ng maling interpretasyon ang kanilang mga hakbang sa pangangalaga sa kalikasan at mga hayop, dahil bahagi ito ng mandato ng kanilang opisina upang maprotektahan ang wildlife sa lalawigan.

Matatandaang nag-viral sa social media ang paghuli sa 14  na talampakang buwaya, matapos itong paghinalaang lumapa sa tinatayang 15 aso sa nasabing lugar.

Sa panayam ng media kay Samuel Pagadora—isa sa mga nakatulong sa paghuli, tinalian nila ang buwaya at hinatak patungo sa lupa. 

Nilagyan pa nila ito ng tela sa mukha at tinalian ang nguso. Sa video, makikita pa ang isang residente na inupuan ang likod ng buwaya matapos itong mahuli.

KAUGNAY NA BALITA: Buwayang hinihinalang lumapa ng mga aso, hinuli ng mga residente