December 12, 2025

Home BALITA National

'Maganda naman ang takbo ng proseso!' PBBM, iginiit patuloy na imbestigasyon sa flood control scam, korapsyon

'Maganda naman ang takbo ng proseso!' PBBM, iginiit patuloy na imbestigasyon sa flood control scam, korapsyon
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maganda umano ang tinatakbo ng mga proseso ng imbestigasyon hinggil sa lumalaganap na korapsyon at maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa kaniyang ulat nitong Miyerkules, Disyembre 10, iginiit ng Pangulo na patuloy ang imbestigasyon hinggil sa mga naturang isyu nang maparusahan na ang mga maysala at maibalik ang pera ng taumbayan.

“Kaya’t nakikita po natin na maganda naman ang takbo ng proseso at ‘yong ating mga hinihilaang mga kasama dito sa ganitong klaseng sindikato ay haharap sa hustisya,” saad ni PBBM.

“Asahan po ninyo na patuloy pa rin ang ating imbestigasyon, patuloy pa rin ang ating pagpila ng mga kaso upang tiyakin na ang mga guilty dito sa ganitong klaseng eskandalo ay haharap sa batas. At bukod diyan ay maibalik ang ninakaw na pera sa taumbayan,” dagdag pa niya.

Sa parehong ulat, isiniwalat ng Pangulo na kanselado na ang pasaporte ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.

“Ang passport po ni Zaldy Co ay kanselado na. Kaya’t ininstructionan ko na ang Department of Foreign Affairs (DFA), pati ang Philippine National Police (PNP) na makipag-ugnayan sa ating mga embassy sa iba’t ibang bansa para tiyakin na hindi maaaring magtago itong ating hinahabol,” saad ni PBBM.

MAKI-BALITA: Passport ni Zaldy Co, kanselado na!—PBBM-Balita

Kinumpirma niya ring sumuko na ang kontratistang si Sarah Discaya sa National Bureau of Investigation (NBI).

“Kaugnay naman kay Sarah Discaya, sumuko naman siya kahapon sa NBI, at nasa kustodiya na siya ng NBI inaantay ang pormal na paglabas ng kanyang warrant of arrest,” anang pangulo.

MAKI-BALITA: Sarah Discaya, sumuko sa NBI kahit 'di pa nalabas arrest warrant na iniulat ni PBBM-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA