Masigasig na simula ang ipinakita ng Philippine taekwondo team matapos na matagumpay na makuha ng manlalarong si Justin Kobe Macario ang unang ginto para sa Pilipinas sa 33rd South East Asian Games 2025.
Ayon ito sa sinalihan ni Macario na freestyle poomsae event na ginanap sa Fashion Island Shopping Mall nitong Miyerkules, Disyembre 10, sa Bangkok, Thailand.
Nakapagtala ng 8.200 points si Marcario sa ipinakita niyang routine na halos gahibla lang ang lamang sa puntos ng kalaban niyang si Koedkaew Atchariya ng Thailand na nakapagtala naman ng 8.100 points.
Habang pumangatlo naman ang pambato ng Malaysia na si Ken Haw Chin na nakapagtala ng puntos na 7.740.
Dahil dito, matagumpay na naisabit sa leeg ni kay Macario ang gintong medalya, silver medal para kay Atchariya, at bronze medal naman para kay Chin.
Ayon naman sa naging panayam ng Balitanghali ng GMA News kay Macario nito ring Miyerkules sa Bangkok, sinabi niyang hindi rin daw niya inakalang siya ang unang makakasungkit ng gintong medalya para sa Pilipinas ngayong Sea Games 2025.
“Sobrang saya po and feeling blessed dahil hindi ko rin po akalin na ako ‘yong first gold for the Philippines po. Then sobrang thankful po sa PEC, POC, PTA, sa mga suporta na nilaan po para sa amin,” ani Macario.
“Nahirapan po ako sa all through the training po pa-SEA Games,” pagtatapos pa niya.
Samantala, bukod kay Macario, matagumpay ring nakuha ng panlaban ng Pilipinas na si John Derick Farr ang bronze medal para sa Men’s Mountain Bike Downhill Event matapos niyang makapagtala ng score na 2:43 seconds.
Sa kasalukuyan, may isang ginto at bronze medal ang Pilipinas sa Sea Games 2025 na pumapangalawa sa bansang Thailand na mayroon na ngayong tatlong ginto, isang silver, at isang bronze na mga medalya.
Mc Vincent Mirabuna/Balita