Nasungkit ng manlalarong si John Derick Farr ang unang medalya para sa Philippine Team sa ginanap na 33rd South East Asian Game 2025.
Dahil ito sa natapos na oras ni Farr na 2:43.67 sa men’s downhill mountain bike event na ginanap sa Khao Kheow Open Zoo sa Chonburi, Thailand nitong Miyerkules, Disyembre 10, 2025.
Matagumpay na nakamit ni Farr ang bronze medal habang ginto naman ang katunggali niyang si Methasit Boonsane ng Thailand at silver medalist si Rendy Varera Sanjaya ng Indonesia.
Ayon sa naging pahayag ni Farr nito ring Miyerkules, sinabi niyang nag-improve pa raw ang ipinakita niyang performance sa nasabing event matapos niyang mataas pa ang kaniyang personal record bago magsimula ang SEA Games.
“‘Yong performance po kanina is I could say na nag-improve po kahit papaano. Kasi naibaba ko po ‘yong time ko yesterday ng 2:48 tapos ngayon 2:43,” aniya.
Pagpapatuloy ni Farr, malaking achievement daw para sa kaniya ang nakamit niyang medalya dahil pinaghirapan niya ‘yon.
“Malaking achievement po siya para sa akin and I would say na hard earned medal po talaga ‘yong nakuha ko,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Sobrang happy ako sa performance ko every SEA Games. Sobrang happy ako kasi nakakadagdag ako sa medal tally sa Philippines. So proud po ako sa sarili ko and sa team po.”
Ani Farr, proud din siya sa sarili dahil siya ang unang atleta na nakakuha ng medalya sa SEA Games 2025 para sa Philippine Team.
“Nakaka-proud din po dahil ako po ‘yong naka-first medal sa Philippines ngayon and hopefully madagdagan pa po. Alam ko pong darami pa po ‘yan,” pagbabahagi ni Farr.
“Simula pa lang po ito so good luck po sa lahat po ng FIlipino Athletes,” pahabol pa niya.
Sa kasalukuyan, may isang ginto at bronze medal ang Pilipinas sa Sea Games 2025 na pumapangalawa sa bansang Thailand na mayroon na ngayong tatlong ginto, isang silver, at isang bronze na mga medalya.
MAKI-BALITA: Kobe Macario, nasungkit unang ginto ng PH sa Sea Games 2025
Mc Vincent Mirabuna/Balita