Pinatunayan ni Sunshine Garcia ng Sexbomb Girls na hindi kayang pabagsakin ng body-shaming ang kumpyansa sa sarili at naghuhumiyaw na talento sa pagsayaw at paghataw, matapos daw siyang makatanggap ng samu’t saring komento patungkol sa kaniyang timbang.
Sa isang masaya at prangkahang social media post, inamin ni Sunshine na nasa kaniyang “chubby era” siya ngayon, at hindi raw siya na-ooffend sa mga nagsasabing “tumaba” at “mabigat” na siya.
Well, para sa kaalaman ng lahat, isang loving mother and wifey na nga si Sunshine; asawa siya ng aktor at kasalukuyang vice governor ng Bulacan na si Alex Castro.
Kahit na tatlo na ang junakis nila ni Alex at kapapanganak pa lang niya noong Enero sa baby girl nilang si Baby Alynna, hindi pa rin maitatangging hataw at maangas pa rin si Shine sa stage, lalo na sa naganap na sold out reunion concert ng iconic all-female group sa Smart Araneta Coliseum at SM Mall of Asia Arena.
“Ang dami ng taon na payat ako, hindi natutuloy ang concert namin. Ngayon talaga, kung kailan nasa malaman ako!” biro ni Sunshine.
May mga netizens daw na nakauunawa sa kaniyang sitwasyon, pero aminado rin siyang may ilan na diretsahan ang comment ng “ANG TABA MO” at “ANG BIGAT NI SHINE.”
Ayon pa kay Sunshine, tinanong pa siya ng kaniyang mister kung naapektuhan ba siya sa mga sinasabi ng bashers.
“Kagabi, nag-ask ang asawa ko kung naapektuhan ba raw ako. Natawa ako at sumagot ng ‘HINDI.’ Natawa rin siya, sabi niya lang sa akin na mukha nga,” kuwento ni Sunshine.
May dalawang dahilan umano kung bakit dedma lang siya sa mga patutsada: Una, kapag tinitingnan daw niya ang profile ng mga nang-iinsulto, kusa na lang siyang napapatahimik. Ikalawa, wala pang isang taon mula nang manganak siya via cesarian, kaya ayaw niyang madaliin ang pagpayat ng kaniyang katawan.
“Alam ko sa sarili ko na papayat din ako,” saad pa niya.
Dagdag pa ni Sunshine, ngayon lang daw siya nasasabihang “cute”, kaya hayaan na muna raw niyang i-enjoy ang panahong ito.
Sa kabila ng body-shaming, todo pa rin ang excitement ni Sunshine para sa kanilang muling pagsalang sa entablado.
“I-enjoyin ko lang ang moment na ito dahil hindi namin alam kung mauulit pa ito… See you! We love you!”
Matapos nga ang pangalawang bahagi ng concert ng Sexbomb ay mukhang may pangatlo at huli pa, na hindi pa nila inanunsyo kung kailan.