December 14, 2025

Home BALITA

'Hindi namin pinagbabawal 'yong sale sa mall, 'wag lang sabay-sabay!'—MMDA sa traffic

'Hindi namin pinagbabawal 'yong sale sa mall, 'wag lang sabay-sabay!'—MMDA sa traffic
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


May paglilinaw ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa sinabi nila patungkol sa mall wide sale at sa epekto nito sa mabigat na daloy na trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Disyembre 10, iginiit ni MMDA chief Don Artes na mall wide sale ang isa sa mga dahilan ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa Marcos Highway.

“‘Yong sa nangyari naman po sa Marcos Highway, nagkasabay-sabay po ‘yong sale doon po sa mga malls na outside ng jurisdiction ng MMDA. Kung inyo pong matatandaan, pinagbabawal po natin ng mall sale dito po sa Kamaynilaan. So ‘yon po ‘yong reason—dahil po dito sa may parking Rizal may mga nag-mall sale, nagkasabay-sabay po ‘yong paglabas at nabulunan po,” saad ni Artes.

Nakipag-usap na rin daw ang MMDA sa LGUs patungkol sa mall wide-sale sapagkat nakakaapekto daw ito sa mabigat na trapiko.

“Ganoon din po, kinausap na po natin ‘yong mga LGUs regarding mall-wide sale. Dapat po siguro ipagbawal din muna po dahil nagkataon po pagkasara po ng mall, sabay-sabay pong naglabasan—na talaga naman pong naging dahilan ng sobrang bigat na daloy ng traffic,” aniya.

Sinagot naman ni Artes ang kuwestiyon hinggil sa tila pagsisi ng MMDA sa malls na may wide sale, kung kaya’t bumabagal ang pag-usad ng mga sasakyan sa mga kalsada.

“Unang-una po, hindi naman po natin sinisisi ang mga mall owner. Ang sinasabi lang po natin, pinakikiusapan po natin sila na kung maaari ay huwag pong mag-mall wide sale dahil nga po nagca-cause po talaga ng sobrang bigat na daloy ng traffic, na na-experience po natin last Saturday dahil may mga malls po outside of NCR na along Marcos Highway na nag-mall wide sale po, at nakita naman natin ‘yong epekto,” sagot ni Artes.

DPWH sa Senado: 'Restore the deducted amounts from the projects in the 2026'

“So ‘yan po ay pakiusap natin sa mga mall owners na kanila naman pong tinutugunan dahil alam din naman po nila na sobra po ‘yong nagiging pagbigat ng daloy ng trapik ‘pag mayroon pong mall wide sale. So, hindi naman po natin sinisisi,” dagdag pa niya.

“Hindi po namin pinagbabawal or pinakikiusap na ipagbawal ‘yong sale. Ang sinasabi lang po namin, huwag sabay-sabay na buong mall ay sale. So, on a first store basis, puwede pa rin pong mag-sale,” pagtatapos niya.

Isiniwalat din ni Artes sa parehong press briefing na tuwing sasapit ang una at ikalawang linggo ng Disyembre, pumapalo sa halos 450,000 ang mga sasakyang dumadaan sa EDSA, labis sa kapasidad nitong 250,000.

Vincent Gutierrez/BALITA