Isang makahulugang pahayag ang ibinahagi ni Sen Robin Padilla kaugnay sa kaniyang pagiging makabayan.
Sa latest Facebook post ni Padilla nitong Miyerkules, Disyembre 10, sinabi niyang hindi umano siya umaawit ng pambansang awit at nanunumpa sa watawat ng Pilipinas para lang magpasakop.
“Hindi ako kumakanta ng lupang hinirang at nanunumpa sa watawat para lang magpasakop sa kapangyarihan ng dayuhang nais maging batas sa sarili kong Bayan na pinaghandogan ng buhay at dugo ng mga bayaning Pilipino,” anang senador.
Walang malinaw na detalyeng ibinigay si Padilla kaugnay sa nasabing post. Ngunit nito ring Miyerkules ay bumanat ang Palasyo sa ipinayo niya sa kaniyang kapuwa senador na si Ronald “Bato” Dela Rosa tungkol sa nakabinbing arrest warrant nito mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Padilla, hinimok niya raw si Dela Rosa na huwag sumuko sa kapangyarihan ng dayuhan.
Ngunit sabi ni Presidential Communication Office (PCO) Usec. Claire, Castro, “Hindi po dapat ina-advice na magtago. Mas magandang ibigay natin na advice ay sumunod sa batas.”
Matatandaang Nobyembre nang pumutok ang balitang may arrest warrant na umano laban kay Dela Rosa ayon kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla bagama’t kinontra ito ng utol niyang si Department of the Interior and Local Government Unit (DILG) Sec. Jonvic Remulla.