Usap-usapan umano ang pagiging late ni Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 3rd Big Winner Esnyr Ranollo sa set ng “Call Me Mother.”
Sa isang episode ng “Showbiz Updates” kamakailan, hinimay ni showbiz insider Ogie Diaz ang nasabing tsika patungkol kay Esnyr.
“Si Esnyr daw parang kumakalat sa set na laging late. Late daw ng 45 minutes to 1 hour. Pagdating doon, parang hindi naman daw apologetic,” saad ni Ogie.
Dagdag pa niya, “Tapos minsan daw kasama pa ang jowa. [....] May mga production na nagbabawal talaga ng mga kasintahan o ng mga nililigawan sa set. Actually, bawal nga ring magligawan sa set.”
Pero ayon sa showbiz insider, wala naman daw siyang naririnig na reklamo mula kay Unkabogable Star Vice Ganda hinggil sa pagiging late umano ni Esnyr.
Matatandaang si Vice ang isa sa gaganap bilang lead character sa nasabing pelikula ni award-winning director Jun Robles Lana kasama si award-winning actress Nadine Lustre.
“Siguro kay Vice, importante lang na huwag dumating sa akin ‘yan o ‘yong ako ‘yong maghihintay sa artista. Pero siyempre, mali pa rin kung nale-late,” dugtong pa ni Ogie.
Sa kasalukuyan, habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na pahayag si Esnyr para pabulaanan o kumpirmahin ang nasabing tsika. Bukas ang Balita para sa kaniyang panig.