Tila bumuhos ang pagkaimbyerna ng komedyante, direktor, at scriptwriter na si John "Sweet" Lapus laban sa mga bumabatikos sa selection process ng screenwriting workshop ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Ricky Lee.
Sa kaniyang X post, madaling-araw ng Miyerkules, Disyembre 10, diretsahang inilabas ni Sweet ang pagkabuwisit niya sa mga nagtaas ng kilay sa Pambansang Alagad ng Sining, lalo na sa ilang dating workshoppers na umano’y nakisawsaw pa sa isyu.
"Bwisit ako doon sa former workshoppers din na naghanash. Hindi nag iisip ang mga pota! Nang stress ng 78 years old National Artist! May nakita na ako, dalawang babae na di sikat at mukang tsismosa sa kanto," mababasa sa post ni John.
Kalakip ng post, ibinahagi rin ni John ang isang lumang video clip ng panayam sa kaniya ng beteranang showbiz columnist na si Aster Amoyo noong 2017.
Photo courtesy: Screenshot from John Lapus/X
Sa panayam na iyon, inamin ni John na tulad ng pangkaraniwang aplikante, pumila rin siya nang mahaba para sa workshop ni Ricky Lee, at 2018 pa lamang siya tuluyang nakapasok.
PAHAYAG NI RICKY LEE
Samantala, matapos kuwestiyunin ng publiko ang resulta ng dalawang batch ng kaniyang ikakasang screenwriting workshop, na umano’y karamihan sa mga natanggap ay may pangalan na sa industriya, naglabas ng opisyal na pahayag si Ricky Lee.
Sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Disyembre 9, nilinaw ng scriptwriter na pantay-pantay ang karapatan ng lahat ng aplikante, anuman ang estado sa buhay o karera.
Aniya pa, hindi umano magandang ideya na gawing homogenous ang bawat batch; na puro baguhan lang o puro beterano lang ang pagsasamahin.
Mahigit apat na dekada na raw niyang ginagawa ang libreng writing workshops at napatunayan niyang mas epektibo ang “mixing” ng mga baguhan, datihan, at kilalang personalidad sa isang klase.
Pero kahit tinadtad ng kritisismo, iginiit din ni Ricky na nakikinig siya sa mga puna at patuloy na natututo mula sa lumalabas na diskurso kaugnay ng kaniyang workshop.
Kaugnay na Balita: National Artist Ricky Lee, nagsalita matapos kuwestiyunin selection process ng workshop niya