December 13, 2025

Home SHOWBIZ

‘Di ko gets bakit damay si Sen. Risa sa galit ni Atty. Guanzon’—Ogie Diaz

‘Di ko gets bakit damay si Sen. Risa sa galit ni Atty. Guanzon’—Ogie Diaz
Photo Courtesy: Rowena Guanzon, Ogie Diaz, Risa Hontiveros (FB)

Naghayag ng saloobin si showbiz insider Ogie Diaz sa isyu ng pagwawala ni dating Comission on Election (Comelec) Commissioner Atty. Rowena Guanzon sa isang mall.

Sa isang Facebook MyDay ni Ogie noong Martes, Disyembre 9, tila nagtataka siya kung bakit nakakaladkad ang pangalan ni Senador Risa Hontiveros sa nasabing isyu.

“Di ko gets kumbakit damay si Sen. [Risa Hontiveros] sa galit ni Atty. Guanzon. Nagsimula lang 'yan sa talakan sa Powerplant, ha? At sunod-sunod na ang mga banat ng mga troll kay Sen. Risa,” saad ni Ogie.

Dagdag pa niya, “Threat ba siya sa 2026 para pagkaisahan siya, kaya may instructions na 'Risa-nin n'yo ang 2028' at 'Risa, dalawa, tatlong banat kay Risa para di na tumakbo?'”

Tsika at Intriga

Kim Chiu, Paulo Avelino nagsasama na sa iisang bubong?

Tila nag-ugat ito matapos magpahaging ni dating Presidential Adviser for Political Affairs Ronald Llamas kay Guanzon.

"Bumaba na naman self-esteem ko," ani Llamas sa isang Facebook post. "Wala ako Rolex saka Gucci, e."

Sagot naman ni Guanzon sa isa ring Facebook post kalakip ang screenshot ng post ni Llamas, "Okay lang 'yan pogi ka naman. Naging kayo nga ni ano 'di ba?"

Matatandaang si Hontiveros ang babaeng nauugnay kay Llamas dahil sa mahabang panahon nilang pagkakaibigan. 

Ngunit sa isang panayam ni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila noong Marso 2013, itinanggi na ito ni Hontiveros.