December 12, 2025

Home BALITA

₱816k halaga ng shabu, nasamsam; 2 arestado!

₱816k halaga ng shabu, nasamsam; 2 arestado!
Photo courtesy: Rizal Police Provincial Office/FB


Timbog ang dalawang indibidwal sa isang buy-bust operation na ikinasa ng Rodriguez Municipal Police Station (MPS) matapos marekober sa kanila ang ₱816,000 halaga ng shabu.

Sa ulat ng mga awtoridad, nasakote ang dalawa sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules, Disyembre 10, bandang 12:10 ng madaling araw, dahil umano sa pagbebenta ng shabu sa isang pulis na nagpanggap bilang isang poseur buyer.

Maliban sa 10 pakete ng shabu na tinatayang aabot sa 120 gramo ang timbang, nakumpiska rin sa mga suspek ang isang ₱500 buy-bust money, isang timbangan, isang sling bag, isang cellphone, at isang motorsiklo.

Posibleng maharap sa mga kaso ang dalawang suspek matapos ang kanilang paglabag sa Section 5 (Sale) at Section 11 (Possession) ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”

Matapos maaresto, dinala sila sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station para sa wastong disposisyon at maayos na dokumentasyon.

Sen. Bato, masayang nakita ang apo



Vincent Gutierrez/BALITA