Nanindigan si Senate President Tito Sotto na i-livestream ang pagpupulong para sa bicameral conference committee kung saan isasapinal ang 2026 national budget.
Sa panayam ng media nitong Martes, Disyembre 9, inusisa si Sotto kung itutuloy ba ang livestreaming sa kabila ng mga umuugong na pagtutol.
"Yes," sagot ni Sotto. "Hindi ako papayag na hindi naka-livestream."
Matatandaang binuking ni Sen. Erwin Tulfo sa isa rin panayam na may ilang kongresista umanong tumututol sa planong livestreaming.
“Ang problema mayroong mga kumukontra. Hindi dito sa amin, doon sa kabila, sa House ayaw nila,” saad niya.
Maki-Balita: Sen. Erwin, binuking pagkontra ng ilang miyembro ng Kamara sa live streaming ng bicam meeting
Ngunit ayon sa Senate President, “Wala naman. Siguro may mga pasabi lang. Pero kanina kasama namin si Speaker Bodjie wala naman siyang sinasabi sa akin.”
Matatandaang sa botong 17-0-0 ay inaprubahan na ng Senado sa pinal na pagbasa ang ₱6.793 trilyong national budget para sa 2026.