Sa mga nagdaang bagyo, nakita natin kung gaano karami ang mga environmental problems na dahil sa kagagawan nating mga tao. Hindi na nabibigyang pansin ang ilan sa mga ito dahil na rin siguro sa dami ng kung anu-anong mga isyu na kinakaharap ng bayan. Isa na dito ang kaligtasan ng landfill operations.
Kung susumahin, improvement na ngang maituturing ang mga sanitary landfills kumpara sa open dumpsites o pagsunog lang ng basura. Pero hindi ibig sabihin na wala itong masamang epekto sa pamumuhay ng mga taoat maging mga hayop at halaman na nakatira sa paligid nito. Lalo itong nagiging delikado kapag napabayaan.
Biglaang Paglipat
Isinara ang sanitary landfill sa Barangay Tanza, Navotas (na nagsisilbi sa Manila, Navotas, Pasay, Parañaque, Pasig, Malabon, at Valenzuela) dahil sa expropriation ng lupang kinatatayuan nito para sa ginawang New Manila International Airport kaya ang pagtapon ng lahat ng basura ng Maynila ay inilipat na sa New San Mateo Sanitary Landfill.
Ngunit bago pa man mangyari ang paglipat, pinangangambahan na ng mga naninirahan malapit dito ang maaaring masamang epekto ng sanitary landfill sa kanilang kalusugan at pang araw-araw na buhay.
Panganib sa Kalusugan
Nag-aalala si Ricky Silvestre ng San Mateo na habang inaabuso ang kalikasan ay naaamba rin sa panganib ang kalusugan ng mga mamamayan sa San Mateo. Sa isang Facebook post, sinabi niyang “Panoorin na lang ba natin ang nangyayari sa bayan natin na ginagahasa ang kalikasan at KALUSUGAN Natin.”
Maliban sa kapansin-pansing mabahong amoy galing sa sanitary landfill, nagdudulot din ito ng air at soil pollution na hindi pansin ng tao. Habang nabubulok ang mga solid waste sa landfill, maaari itong mag-emit ng mga delikadong gases at substances, tulad ng methane. Tinatayang 20% ng methane production sa buong mundo ay galing sa mga sanitary landfills. Delikado para sa mga tao ang matagal o mataas na lebel ng exposure sa methane. Maaari itong mauwi sa vision problems, memory loss, pagsusuka, at pagsakit ng ulo. Pinangangambahang maapektuhan din ng mga sanitary landfills ang food supply chain dahil sa posibleng heavy metals na maaaring at maka-contaminate sa lupa.
Nararapat lamang na maging regular at epektibo ang maintenance ng mga landfill dahil sa mga posibleng panganib na dala nito.
Nagbabadyang Panganib
Maaaring tignan sa iba’t-ibang perspektibo ang panganib na kinakaharap ng mga komunidad na malapit sa sanitary landfill. Halimbawa, dahil sa dami ng kinokolektang basura araw-araw sa iba’t-ibang lugar, kasama ang Maynila, marami ring mga trak ang nagpapabalik-balik sa landfill. Napansin ng mga residente na ang mismong labas-pasok na ito ng mga trak ng basura ay nagbabadya ng panganib. Ayon sa isang Reddit user, “Grabe ang baho and dumi ng c6 ngayon! sobrang dami ng trucks na pumapasok and lumalabas. wala na ba magagawa ang head office ng san mateo? ang delikado na e, lalo na puro kainan nadadaanan ng trucks. ang dami pang trash na nalalaglag coming from the trucks.”
May mga naitalang aksidente na rin sa lugar kung saan madalas na sangkot ang trak ng basura. Maliban dito, napansin din ng isang residente kung gaano ka iresponsableng magmaneho at walang pakialam ang ilang mga drayber ng trak, na hindi lamang nagpapataas sa posibilidad ng aksidente pero pati na rin ang pagkalat ng mga basura sa lansangan. “Grabe sana naman pag isipan nyo yan kawawa ang mga nakatira sa san mateo lalo na na malapit kami dyan minsan yung mga driver ng truck ng basura mga walang pakialam sa mga dala nilang basura sa sobrang bilis nila magmaneho nagkadatapon tapon na ang basura nila ang baho halos dumidikit sa ilong ang baho."
Epekto sa Araw-Araw na Pamumuhay
Para kay Rachel Brinquis ng San Mateo, naapektuhan ng sanitary landfill ang araw-araw nilang pamumuhay. Ayon sa kanya, “Tuwing umuuwi po ako from qc around 5:30 to 6pm ang daming naming kasabay pababa ng batasan-san mateo road na malalaking truck ng mga basura from Parañaque, Caloocan at Valenzuela. Every day yan. Bukod sa mabaho na, nakakatakot pa kasi sobrang lalaki ng truck. Sana naman wag ng madagdagan pa.”
Maging ang mga nasa Reddit na naninirahan sa San Mateo o kaya malapit dito ay galit na rin. “Sana naman sa hating gabi na lang sila maghakot at magdeliver ng mga basura. Just yesterday, there were at least 5 trucks from Caloocan adding to the congestion along Batasan road at around 5 pm. Every day, these lumbering trucks slow the traffic’s momentum at their every lane change, slow down, and delayed acceleration. T*****a tama na pls.”
Mamamayang Nagkakaisa
Dahil sa mga isyung kinakaharap ng mga mamamayan ng San Mateo, ang ilan sa kanila ay nagbuklod para hingan ng paglilinaw ang lokal na pamahalaan sa problemang ito. Si Gerwin Angcaya na namumuno sa Bantay Kabundukan, Sagip Kalikasan ay humihingi ng diyalogo sa pagitan ng mga residente at lokal na pamahalaan.
Sa kaniyang panayam sa isang online news outlet, sinabi niyang ““Ang aming grupo ay nag-iibig na makipag-ugnayan sa ating sangguniang bayan para po pag-usapan... itong problemang nangyayari sa aming bayan tungkol sa usaping basura. Ito po'y matinding tinututulan ng mamamayang San Mateño.”
Konektado ang San Mateo sa katimugang bahagi ng Sierra Madre mountain range kaya mas lubos ang pag-alala ng grupo. Ayon kay Angcaya, “Masyado na pong giniba at winasak ang ating kabundukan, ngayon po ay lumaki ka pa ang volume ng basurang itinatapon dito sa ating bayan.”
Dahil sa hindi pagpansin sa issue na ito ng lokal na pamahalaan, inanyayahan ni Angcaya ang mga residente na sumali sa kanilang panawagan. “Kung ang ating lokal na pinuno ay hindi kumikilos, tayo na po ang kumilos.”
Sustainable nga ba?
Dahil sa kapansin-pansing posibleng masamang epekto ng sanitary landfills, napapatanong ang ilan kung talaga bang ito ay isang sustainable na paraan para i-manage ang mga basura. Sa article na ito, sinasabing ang landfill ay kabaligtaran o “antithesis of sustainability” dahil maliban sa may epekto ang mga ito sa climate change, nalalagay sa peligro ang buhay ng mga naninirahan malapit dito at naapektuhan nito ang ecosystem. Maaari ring malagay ang Sierra Madre mountain range sa alanganin.
Dahil din sa landfill ay maaaring bumaba ang halaga ng lupa sa lugar dahil sa mga panganib na meron dito tulad ng landslides, sunog o pagsabog. Habang tumatagal ang pag-ooperate ng landfill ay maaaring maging mas mahirap nang manirahan sa lugar.
Hamon ngayon sa pamahalaan at sa sambayanan ang pagsulong ng mga alternatibong mas sustainable, hindi lamang sa pagtatapon ng basura kundi pati sa pagsisiguro na mas kaunti ang ma-generate na basura sa buong bansa.