Ibinahagi ni Sen. Erwin Tulfo sa publiko na mayroon daw ilang miyembro ng Kamara ang komontra sa pagla-live stream ng susunod na bicameral meeting ng mga senador at kongresista para sa 2026 national budget.
Ayon sa naging pahayag ni Sen. Erwin sa isang ambush interview nitong Martes, Disyembre 9, sinabi niyang tuloy naman ang pagla-live streaming ng bicam meeting ngunit may ilan daw na kumontra sa plano nila mula sa House of the Representatives.
“Ang problema mayroong mga kumukontra. Hindi dito sa amin, doon sa kabila, sa House ayaw nila,” saad niya.
Dagdag pa niyan, “Saka sabi nga ni Senator Sotto mukhang magkaroon sila ng diskusyunan kasi sabi niya ba’t pinakialaman… May session kami mamaya. Siguro, informal lang doon sa launch namin.”
Ani Tulfo, pabor daw siya na i-live stream ang susunod na nakatakda nilang bicameral conference committee meeting para na rin sa ikakapanatag ng loob ng taumbayan.
“Of course wala naman tayong tinatago bakit ayaw? Ba’t hindi kailangan [mag-live stream]? At saka that’s budget of everybody. Pera po nating lahat ‘yan. Hindi lang naman pera ng senador ‘yan o congressman,” pagdidiin niya.
“Kaya kung ako ang tatanungin, why not? Why do we have to hide? I-live natin up to the last minute, last centavo para makita ng tao kasi puro press release lang ‘yan. Ila-live tapos hindi naman pala,” paliwanag pa niya.
Pagpapatuloy ni Tulfo, wala naman silang itinatago sa publiko kaya hindi raw sila dapat matakot.
“At saka wala naman tayong itatago. Tama si Senator Sotto what are we afraid of na hindi natin i-live? Kailangang makialam din ‘yong tao lalo na ngayong talagang kuwestiyonable itong budget. Duda ‘yong mga tao and this is the only way to falsify them na ‘hindi, ito ‘yong budget natin,’” aniya.
Pag-uulit pa ni Tulfo, dapat raw na pakinggan din ang mga gusto ng taumbayan dahil ang mga ito raw ang naghalal sa kanila sa puwesto.
“Ang masasabi ko lang diyan, bakit hindi kailangang i-live? Are we hiding something? Tama na siguro. Bugbog na bugbog na tayo, e. Pakinggan na rin natin siguro ‘yong gusto ng taumbayan kasi after all they elected us,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nakatakda umanong i-live stream ang mga bicameral meetings ng mga senador at kongresista sa darating na Disyembre 11 hanggang 13, 2025.
MAKI-BALITA: 'Di masaya mga tao!' Sen. Erwin Tulfo, kontra sa 'executive sessions' ng ICI?
MAKI-BALITA: Ibang isyu natetengga! Pagdinig ng Senate Blue Ribbon sa flood control projects, tapos na raw?—Sen. Erwin
Mc Vincent Mirabuna/Balita