December 12, 2025

Home BALITA National

Sarah Discaya, masisilbihan na ng arrest warrant ngayong linggo—PBBM

Sarah Discaya, masisilbihan na ng arrest warrant ngayong linggo—PBBM
Photo courtesy: Pangulong Bongbong Marcos (FB), MB FILE PHOTO

Ibinahagi sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na inaasahan umano niyang mailalabas na ang warrant of arrest laban sa kontratistang si Sarah Discaya sa linggong ito. 

Ayon sa bagong video statement na inilabas ng Pangulo sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Disyembre 9, sinabi niyang may walong indibidwal na sangkot sa maanomalyang flood control projects sa Davao Occidental ang handa nang sumuko sa ahensya ng National Bureau of Investigation (NBI). 

“Mayroon ding walong taga-DPWH sa Davao Occidental na nagpadala na ng sulat na sila ay magsu-surrender sa NBI dahil sa hinaharap nilang mga kaso,” aniya. 

Bukod dito, ibinahagi rin ng Pangulo ang napipintong pagsisilbi ng warrant of arrest kay Discaya sa loob daw ng linggong ito. 

National

PBBM sa sektor ng edukasyon: 'Na-neglect natin nang napakatagal!'

“Inaasahan na rin nating lalabas ang warrant of arrest ni Sarah Discaya itong linggong ito at hindi na rin magtatagal ang pag-aresto sa kaniya,” pagdidiin niya. 

Ani PBBM, magpapatuloy raw ang imbestigasyon at pagpapanagot sa mga umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects. 

“Magpapatuloy ang imbestigasyon, magpapatuloy ang pagpapanagot, at titiyakin ng pamahalaan na ang pera ng bayan ay maibabalik sa taumbayan,” pagtatapos pa niya. 

Matatandaang nauna nang isapubliko ni PBBM na mayroong mga pribado at kilalang mga indibidwal ang sangkot sa umano’y natuklasan nilang maanomalyang flood control projects sa Davao Occidental kabilang na sina Sarah Discaya, Maria Roma Angeline D. Rimando, at iba pa. 

MAKI-BALITA: 'Marami pang magpapasko sa kulungan!' PBBM, aaksyunan natuklasang ghost projects sa Davao Occidental

Anang Pangulo, aabot daw sa ₱100 milyon ang ipinagkaloob na budget noon sa St. Timothy Construction Corporation ngunit hindi kailanman nasimulan at natapos ang nasabing proyekto.

“Ito ay may halaga na halos ₱100 milyon at ipinagkaloob noong [January 13], 2022 sa St. Timothy Construction Corporation. Ayon sa imbestigasyon, ang proyektong ito na sinasabing natapos noong 2022 ay hindi kailanman nasimulan,” paliwanag ni PBBM sa kaniyang video statement noong Disyembre 5, 2025. 

Dagdag pa niya, “Sa inspeksyon ng CIDG noong [September 25], 2025, natukoy na walang anomang konstruksyon sa lugar na ‘yon. Kinumpirma ng mga indigenous people at barangay officials sa kanilang joint affidavit na walang naganap na implementasyon ng mga proyekto.”

Pagbabanggit niya, “May mga private at public na indibidwal na pinangalanan sa reklamo na kinabibilangan ng St. Timothy, si Cezarah Rowena Discaya at Maria Roma Angeline D. Rimando. Mayroon pang mga ibang nasa ahensya ng DPWH na nasama rin sa kasong ito.” 

MAKI-BALITA: Court of Appeals, mamatahan bank accounts, air assets ng ilang kumpanya, indibidwal—PBBM

MAKI-BALITA: PBBM sa mga bata: 'You are the reason for everything we do'

Mc Vincent Mirabuna/Balita