Nagpahayag ng pagkadismaya si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Atty. Leila De Lima dahil hindi “certified as urgent” ang mga legislative orders na ibinaba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kaugnay ito sa apat na panukalang batas na nais ng Pangulo na bigyang prayoridad ng Senado at Kamara.
"The President directed Congress to prioritize the following proposed legislative measures: Anti-dynasty bill, Independent People's Commission Act, Party-list System Reform Act, and Citizens Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act to institutionalize transparency and accountability on public finance," saad ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro nitong Martes, Disyembre 9.
MAKI-BALITA: PBBM, pinamamadali pagpapasa ng Anti-dynasty bill, Party-list System Reform Act, atbp.-Balita
Sa ibinahaging social media post ni De Lima nitong Martes, Disyembre 9, mababasang kinikilala niya na naisip ni PBBM na gawing prayoridad ang mga ito, ngunit siya umano’y dismayado sapagkat hindi ito “certified as urgent.”
“While we welcome the pronouncement from President Marcos Jr. about certain measures that he thinks Congress should prioritize, we remain disappointed that the proposed IPC/ICAIC Bill and Anti-Political Dynasty Bill were NOT certified as urgent,” ani De Lima.
“Para bang ang order ng taumbayan ay i-certify ang mga ito as urgent, pero ang inihain sa atin ay PR na priority bills naman daw ang mga ito,” dagdag pa niya.
Ayon pa sa kongresista, hindi umano sila mapapagod na kalampagin si PBBM na i-certify as urgent ang mga panukalang ito.
“Kung totoong ipa-prioritize na lang din, bakit hindi pa itodo at totohanin na? Kahit parang sirang plaka na tayo, hindi tayo magsasawang kalampagin ang Pangulo na i-certify na ang mga ito as urgent, and for our colleagues to swiftly pass these measures,” anang kongresista.
“Time is of the essence. Sa ganito kalaking korupsyon at kalawak na sabwatan sa pagnanakaw ng pera ng bayan, hindi pwedeng pepetiks-petiks o kukupad-kupad sa pagpasa ng mga batas para mapanagot ang mga kurakot, mabawi ang mga nakaw na yaman, at matiyak na hindi na ito maulit pa,” pagtatapos niya.
Sa usapin ng anti-dynasty bill, matatandaang hinamon ni Caloocan 2nd District Rep. Edgar Erice sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at Vice President Sara Duterte na suportahan ang panukalang naglalayong buwagin na ang “political dynasties” sa gobyerno ng Pilipinas.
“Ang hamon ko kay Pangulong Marcos, kung gusto mo talaga ng reporma, dapat magsimula ka sa iyong sariling pamilya. If you can go against self-interest, aba, baka iyan ‘yong legacy niya,” saad ni Erice.
“Ganoon din si VP Sara, kung para sa bayan siya at hindi sa supremacy ng political family nila ay dapat suportahan niya rin,” dagdag pa niya.
MAKI-BALITA: 'Magsimula sa inyo!' Caloocan solon hinamon sina PBBM, VP Sara—suportahan anti-dynasty bill-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA